WARNING!!!
Mature content: This story contains graphic depictions of sexuality, violence and strong language. Eighteen years old ànd below are not allowed.
© All Rights Reserved 2021
NAPAANGAT ang mga kilay ni Ndrew John nang businahan siya ng kasalubong na sasakyan.
Bumaba ang car window sa driver seat at buhat doon ay sumilip ang babaeng nagmamaneho niyon. Kumaway ito sa kaniya.
Inihinto niya ang sasakyan tapos ay ibinaba ang car window at hinintay na mapatapat ito sa kotse niya.
Hindi tinted ang bintana ng sasakyang ito kaya naaninaw niya ang dalawa pang babae na kasama nito sa backseat kahit pa nga medyo madilim na ang paligid.
"Sir, itatanong ko lang po kung malapit na ba rito ang Hacienda Montana?" tila nahihiya pang tanong ng babaeng ito sa kaniya.
Hindi siya sumagot kaagad bagkus ay sinuri ito ng tingin, hanggang sa hindi sinasadya ay lumampas ang paningin niya sa babaeng katabi nito sa passenger seat.
Kaagad na nagtama ang mga mata nila ng babaeng ito na tila ba hindi naiilang na makipagtitigan sa kaniya.
Ewan ba niya subalit, parang bigla ay nawala sa normal ang pitik ng kaniyang pulso habang magkahinang ang kanilang mga mata.
Inalis niya ang malamig na tingin dito at ibinalik sa babaeng nagtanong. "Hindi ko alam," malamig ang tonong tugon niya rito. "Pero isang kilometro mula rito ay makikita ninyo ang crossroads, mayroon doong road sign at nakalagay kung gaano pa kayo kalayo sa lugar na sinasabi mo," sabi niya bago pinausad ang kaniyang sasakyan.
"Salamat, Sir," nakangiting wika nito bago pa man siya ganap na maikubli ng tinted na car window ng kaniyang kotse.
Hindi na niya ito tinugon pa. Alas sais na noon ng hapon at nagmamadali siya. Kailangan din niyang makabalik mamaya bago pa lumalim ang gabi.
Liku-liko ang daan doon at medyo mahirap magmaneho lalo na sa kagaya niyang hindi nasanay ang mga pulsuhan sa manibela ng kotse.
***
NAPATUON ang mga mata ni Elaina sa napakalaki at modernong mansion na animo'y nakapatong sa dambuhalang bato ilang metro ang layo sa kinaroroonan ng sasakyang lulan niya.
Namamangha siya. Napapaligiran iyon ng matatayog at mayayabong na mga punong kahoy. Nagliliwanag sa madilim na kapaligiran at napakaganda niyong pagmasdan.
Bago marating ang mansion ay kailangan dumaan at umakyat sa matarik at napakahaba na driveway na animo'y pinu-protektahan ng pantay-pantay na pagkakahanay ng mga mahogany trees sa magkabilang gilid buhat sa mataas na bangin.
Hindi niya maintindihan pero habang palapit sila nang palapit sa kinaroroonan ng mansion ay palakas naman nang palakas ang kabog ng kaniyang dibdib, tila ba iyon sasabog habang ang mga palad niya at talampakan ay nanlalamig.
Ilang sandali pa nga ang dumaan nang
sapitin nila ang ikalawang gate na awtomatikong bumukas.
Humimpil ang kotse sa malawak na garahe sa harap ng mansion.
"Adrian…" bulong niya sa pangalan ng kaniyang nobyo habang iginagala ang paningin sa paligid.
Mahigit anim na buwan na niya itong karelasyon at halos isang taon siya nitong niligawan pero wala siyang ideya na sa ganoon karangyang tahanan pala ito nakatira.
Inalis niya ang kaniyang seatbelt. Mabilis namang bumaba ang driver na hindi nagawang ipakilala ang sarili sa kaniya simula pa kanina nang sunduin siya sa bukana ng hacienda.
Hanggang doon lamang siya naihatid ng mga kaibigan niya dahil kailangang makaluwas din kaagad ang mga ito sapagkat may research study pa bukas.
Binuksan ng driver ang car door para sa kaniya.
Napangiti siya rito dahil sa ginawa nito. "Salamat po," magiliw niyang sabi.
Gumamit siya ng po rito kahit mukha naman itong bata pa. Mahirap na, baka mamaya kagaya ng kuwento sa mga nobela ay family member pala ito ng may-ari ng hacienda.
Ngumiti lang ito at mabilis na kumilos patungo sa compartment upang kunin ang dala niya, ang kaniyang travelling bag na puno ng mga damit niya.
"Ikaw si Elaina?"
Napalingon siya sa nagsalita buhat sa kaniyang likuran.
Hindi niya namalayan ang paglapit ng medyo may edad na babae dahil nakatuon ang atensyon niya sa kaniyang gamit na noon ay inilalabas ng driver buhat sa compartment.
Ngumiti siya rito. "Magandang gabi po, ako po si Elaina," pakilala niya at lumapit dito upang mag-mano sana pero iniiwas nito ang kamay sa kaniya.
Napahiya siya pero sinikap niyang ignorahin ang inasal nito.
Tumingin ito sa lalaking may bitbit sa bag niya. "Robbie, pakitulungan na lang kami sa gamit niya hanggang sa kaniyang silid," utos nito saka bumaling sa kaniya. "Sumunod ka sa akin, ihahatid kita sa magiging silid mo pansamantala," binigyang diin nito ang huling salita. Tumalikod ito at lumakad patungo sa malaking entryway.
Napalunok siya bago sumunod dito habang hindi mapigil ang sariling hagurin ito ng tingin.
Nang makapasok sila ay namangha na naman siya. Sa malawak na foyer ay makikita na kaagad ang karangyaan ng mansion, sa chandelier pa lang na naka-hang sa mataas na kisame. Masarap sa mga mata ang liwanag na nagmumula roon.
Kasunod na bumungad sa paningin niya ang napakalawak at elegante na living room. Maaliwalas doon, organized lahat ng kagamitan at piping naghuhumiyaw sa karangyaan. Umagaw sa paningin niya ang napakalaking wall built-in television doon, para iyong pang-teatro. Napangiti siya sa isip na sana makabili siya ng ganoon para sa mga kapatid niya.
Sumunod siya sa matanda hanggang sa umakyat sa malawak na hagdanan. Parang nakakatakot iyong tapakan dahil sa makintab na bawat baitang niyon. Nang makaakyat ay tinugpa nila ang medyo mahabang pasilyo.
"Ipinasasabi ni Señorito Adrian na ang silid niya ang ipagamit sa iyo," sabi ng matanda bago huminto sa tapat ng isang pinto.
Tumango lang siya.
Tumingin ito sa kaniya. "Bukas ay darating ang Señorito, kumain kang mabuti at magpahinga ng maaga para hindi ka naman mukhang papel sa harap niya kapag kinausap ka bukas ng umaga," pantay lang ang tonong sabi nito bago binuksan ang dahon ng pintuan sa harap nito.
Medyo hindi na nagiging maganda ang dating ng pananalita nito sa kaniya pero kagaya ng ginawa kanina, binalewala na lamang niya ito.
Pumasok sila sa silid na iyon.
Napakalawak niyon maging ang kamang naroon. Malaking glass-wall window ang nasa kanang bahagi ng kama at tanaw na tanaw buhat doon ang driveway na tinugpa nila papunta rito.
Napatingin siya kay Robbie na noon ay kapapasok lamang.
Ibinaba nito ang travelling bag niya sa kama at nagpatiuna nang lumabas ng walang paalam.
"Tayo na sa komedor," aya ng matanda at akmang lalakad na palabas pero natigilan at napatingin sa kaniya. "Ako pala si Carlina. Ako ang pinagkakatiwalaan dito ng Señorito," pagpapakilala nito sa sarili.
Ngumiti siya. 'Ah, mayordoma,' sa isip-isip niya.
Hindi ito nakasuot ng uniporme kagaya ng mga napapanood niya sa telebisyon. Kaya hindi niya naisip na ito ay nasa ganoong posisyon sa marangyang pamamahay na ito.
"Elaina po," ulit niya sa pagpapakilala kanina.
Tumango lamang ito bago tumalikod sa kaniya.
Kaagad naman siyang sumunod dito.
***
SA DINING table ay tila nanliit siya. Napakahaba niyon at mayroong doseng upuan, lima sa magkabilang gilid at tig-isa sa kabisera. High-end luxury ang tablewares na nasa harapan niya, parang nakakatakot gamitin. Sa gitna niyon ay naroon ang basket ng nag-uumapaw na iba't ibang klase ng prutas.
Sa bandang gitna ng mahabang mesang ito siya ipinaghain ng kusinera na nagpakilalang si Elvira.
Ilang putahe ang inihain nito sa harap niya samantalang mag-isa lamang siyang kakain. Hindi tuloy niya maiwasang mailang lalo pa at nakatayo lang doon si Elvira at tila binabantayan siya.
"Aling Elvira... " malumanay niyang tawag dito, kaagad itong lumapit sa kaniya. "A-ako lang po ba talaga ang kakain?" kiming tanong niya rito.
Ngumiti ito. "Oo, para sa iyo iyan. Iniutos ni Señorito na iluto ang mga putaheng iyan para sa iyo," magiliw nitong tugon.
Napatingin siya sa mga pagkaing iyon pati na rin sa mga sari-saring prutas na naroon.
Napakarami niyon para sa iisang tao. Isa pa ay maliit lang naman siyang kumain lalo na sa kondisyon niya ngayon.
Tiyak na masasayang lang ang mga ito dahil hindi rin naman niya iyon mauubos o pipiliting maubos. Baka hindi siya matunawan, gabi na.
'Si Adrian talaga...' sa loob-loob niya bago sinimulan ang pagkain.
Sa pintuan ng komedor ay hindi niya napansin ang nakamasid na si Carlina.
Kakaiba ang kislap ng mga mata nito habang nakatitig sa kaniya.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.