"ACTING lang 'yon."
"Ano?" nabinging tanong ni Ndrew kay Elaina matapos ang sinabi nito.
Malapit na nilang sapitin ang mataas at malaking gate palabas sa hacienda.
"Ang sabi ko, acting lang 'yon," ulit nito sa sinabi.
Kaagad niyang tinapakan ang brake ng kaniyang kotse. Kung wala itong seatbelt ay malamang na napahampas na sa windscreen ang mukha nito.
"Pagkatapos ng mga nangyari sasabihin mo sa akin na umaarte ka lang?!" galit na tanong niya rito.
"Ginawa ko iyon dahil sa ginawa mo sa akin kanina, 'ni hindi mo man lang nirespeto ang damdamin ko bilang babae!" galit din nitong sabi.
Napatiim-bagang siya at inalis ang kaniyang seatbelt. Bumaba siya sa sasakyan at lumigid tapos ay binuksan ang car door sa side nito.
"Baba!" mariing utos niya rito.
Tiningnan siya nito at hindi natakot na salubungin ang kaniyang mga titig.
"Huwag mo kong titigan," gigil na saway niya sa dalaga. "Baba."
Hindi ito nagpatinag sa kaniya.
"Ang sabi ko bumaba ka, susunod ka o kakaladkarin kita palabas sa kotse ko!?" pigil ang galit na tanong dito.
Padarag na inalis ni Elaina ang seatbelt.
Umatras siya para bigyan ito ng daan sa pagbaba nito.
"Pangit ng asal mo," padaskol na wika nito. "Kasing pangit ng mukha mo!" paaasik na sabi pa nito.
"Sabihin mo lahat ng gusto mong sabihin, wala akong pakialam sa 'yo!" galit na sabi niya kay Elaina saka pabalyang isinarado ang car door.
"Argh!" daing nito sabay palahaw.
Kaagad siyang napatingin sa pinto ng kotse at nakita niya ang naipit nitong kamay.
"Buwisit!" paanas na sabi niya sabay bukas ulit sa pintuan ng sasakyan.
Umiiyak na hinawakan ni Elaina ang sariling kamay.
"Ampangit talaga ng ugali mo, sinadya mo iyon eh!" galit na sabi nito sa kabila ng pag-iyak.
"Pwede ba, tigilan mo ako sa kakaarte mo!" mataas na ang boses na turan niya dito saka lumigid sa sasakyan at binuksan ang pinto sa driver seat. Sumakay siya sa kotse. Ilang sandali siyang naupo roon bago muling bumaba. "Ano? Hindi ka ba sasakay!? " paasik niyang tanong kay Elaina.
"Pinababa mo ako, 'di ba? Tapos pasasakayin mo ulit ako ngayon?" pagtataray na naman nito sa kaniya na noon ay bahagya na lamang ang pag-iyak.
"Hindi ko na uulitin ang sinabi ko," wika niya saka yumukod upang muling pumasok sa kotse.
Napatingin siya kay Elaina na noon ay mabilis pa sa alas kuwatro na nakasakay sa kotse, naunahan pa siya.
**
"CARLINA!" sigaw niya pagbungad pa lang sa malawak na living room ng mansion.
Lumabas ang pinakabata niyang kasambahay na si Minda na nakatoka sa paglilinis sa ibabang palapag ng mansion niya.
"Hindi pa po sila bumabalik, Señorito Ndrew, baka naghahatid pa po ng pagkain sa rancho," mahinahong sabi nito.
"Ganoon ba? Halika," tawag niya rito na sinabayan pa ng pagsenyas ng kamay.
Lumapit ito sa kanila ni Elaina.
"Naipit ang kamay ng babaeng ito, bagsakan mo ng yelo para hindi mamaga!" paasik na utos niya kay Minda saka lumakad patungo sa hagdanan at nagmamadaling umakyat doon.
"Opo, Señorito Ndrew," narinig pa niyang sabi ni Minda.
**
"LAHAT ba ng iniuutos ng Señorito ninyo sinusunod ninyo? " napapangising tanong ni Elaina kay Aling Minda nang mawala na sa paningin niya si Ndrew.
Tiningnan lang siya nito at tumalikod patungo sa preparatory kitchen kung saan naroon ang built-in refrigerator.
'Silence means yes,' sa isip-isip niya.
Sumunod siya rito at inunahan ito sa paglapit sa refrigerator.
"Ako na!" paasik niyang sabi rito. "Hindi ko magugustuhan kung babagsakan mo talaga ng yelo ang kamay ko kagaya ng utos ng Señorito mo."
"Pagpasensiyahan mo na ang aming Señorito, hindi naman ganoon ang magiging asal niya kung kanais-nais ang nakikita ng kaniyang mga mata o naririnig ng kaniyang mga tainga," kaswal nitong sabi na nagpainis sa kaniya.
"Aling Minda, hindi tama ang pagtrato niya sa akin kanina pa lang sa unang paghaharap namin," hindi niya itinago ang inis dito.
"Hindi ko masisisi si Señorito," kaagad nitong sabi at akmang tatalikuran siya.
"Hindi n'ya ako dapat tratuhin ng ganito!" tumaas ang boses na sabi rito. "Wala akong ginawang masama sa kaniya, wala akong atraso sa kaniya."
Hindi ito nagsalita bagkus ay tahimik siyang iniwan.
Napaluha siya sa galit. Sinundan niya ito ng matalim na tingin bago itinuon ang mga mata sa namumula niyang kamay.
Napadaing siya nang idiin niya roon ang hawak na yelo na binalot niya sa malinis na plate towel.
**
NILAPITAN ni Ndrew John si Carlina doon sa courtyard ng mansion nang hapong iyon.
"Señorito Ndrew," nakangiting sabi nito sa kaniya nang mapansin siya habang patuloy sa pasaboy ng pagkain sa mga isdang lumalangoy sa paanan ng fountain na nasa gitna ng courtyard na iyon.
"Hindi ba binanggit sa iyo ni Adrian na buntis din ang babaeng iyon kagaya ng dalawang nauna?" malamig ang tonong tanong niya sa matanda.
Nakita niya na impis na impis ang puson ni Elaina kaya hindi masasabing buntis ito kagaya ng mga babaeng nauna.
Napahinto ito sa ginagawa at tumingin sa kaniya. "Hindi po, Señorito Ndrew. Ang sabi lamang po niya ay sabihin sa iyo na hayaan mong manatili rito pansamantala si Elaina hangga't hindi pa siya nakakahanap ng tirahan para sa kanila."
Napatiim-bagang siya at tumitig sa nagliliwanag na tubig ng fountain.
'Kailan pa ba siya titigil!?' inis na tanong niya sa isip habang kuyom ang kaniyang mga kamao.
Si Adrian John ang kaniyang tinutukoy. Ang alibugha niyang kapatid.
**
MAGKASABAY silang naghapunan ni Elaina nang gabing iyon. Napakalayo na ng kinauupuan nito sa kaniya pero naririnig pa rin niya ang ingay ng kubyertos nito sa plato.
"Hindi mo ba kayang kumain ng tahimik?" malamig ang boses na sita niya sa dalaga.
Tiningnan siya nito habang patuloy sa pag-nguya.
Akmang isusubo na niya ang pagkain sa kutsarang hawak nang mapatingin dito. Natigilan siya at hindi nagawang itikom ang nabukang bibig.
Nagtama ang mga paningin nila ni Elaina pero kaagad na bumaba ang tingin niya sa labi nito sa napaka-sexy na pagkibot habang ngumunguya. Sinasadya nito iyon.
Ibinaba niya sa plato ang kutsarang hawak sabay tikom sa bibig dahil sa inis. "Hindi ang pag-nguya mo ang pinuna ko, kun'di ang ingay ng kubyertos mo sa plato," pagtatama niya sa iniisip nito, bakas ang inis sa kaniyang tono.
"Malaki ka ngang sumubo, pero pinuna ko ba?" padaskol na tanong nito sa kaniya na noon ay nalunok na ang pagkain sa bibig.
Napaawang ang labi niya sa sinabi ni Elaina. Pakiramdam niya ay nangapal ang mukha niya dahil sa pagkapikon.
"Mabigat kase ang kutsara rito, parang katumbas na sa bigat ng isang pala," dugtong pa nito bago muling sumubo ng pagkain.
Naitikom niya ang nakaawang na labi habang nakatingin dito. 'Saang pusali ba napulot ni Adrian ang babaeng ito?' sa isip-isip niya. Dinampot niya ang red wine glass sa kanang bahagi sa tabi ng water glass niya. Sinaid niya ang laman niyon bago ibinaba. Tapos ay dinampot ang table napkin at padamping pinunasan ang paligid ng kaniyang labi.
Ginawa niya lahat iyan habang nakatitig dito kay Elaina na noon ay mataman ding nakatitig sa kaniya.
Hindi niya gusto ang ginagawa nito, binabali nito ang first rule niya. At wala pang kahit na sino ang nakatagal sa mga titig niya maliban lang sa babaeng ito.
Tumingin siya sa kusinerang si Elvira na noon ay nakamasid sa kanila.
Tumayo siya buhat sa mabigat na silyang kinauupuan. "Nawalan na ako ng gana," malamig ang tonong sabi niya kay Elvira bago tumalikod at lumakad palabas doon sa dining room.
Napasunod si Elaina ng tingin sa kaniya. Nagkibit-balikat pa ito bago itinuloy ang pagkain.
**
NAPASUKAN niya si Carlina sa kaniyang master bedroom suite. Kalalabas lamang nito buhat sa bathroom.
"Nakahanda na po ang bathtub, Señorito Ndrew," marahang sabi nito.
"Tawagan mo si Adrian," utos niya rito na hindi pinansin ang sinabi nito. "Sabihin mo sa kaniya, magmadali siya sa pagpunta rito ngayong gabi mismo. Kunin niya ang babaeng iyon dito at ibalik sa kung saang eskuwater nanggaling. Dahil kung hindi siya darating, ang babaeng iyon…sa kalsada uumagahin." Tiim-bagang na tinungo niya ang glass door palabas sa balcony.
Nagpupuyos sa galit na humawak siya sa frameless glass rail ng balkonahe at tumanaw sa malayo kung saan naroon ang hilera ng nagliliwanag na factories na nag-u-operate sa gabi.
Sa kabilang bahagi naman ay naroon ang nagliliwanag na hanay ng pabahay para sa mga tauhan niya roon sa hacienda.
Napabuntong-hininga siya ng marahas. Ilang sandali siya sa ganoong ayos bago ibinaba ang tingin sa napakalawak at napakahabang outdoor swimming pool sa ibaba na tinatanglawan ng underwater pool lights.
Lumipas ang mga sandali at naramdaman niyang kumalma na ang kalooban niya.
Noon lumabas sa glass door si Carlina at lumapit sa kaniya. "Señorito Ndrew, ipinapasabi po ni Señorito Adrian na hindi pa raw po niya masusundo si Elaina ngayong gabi," mahinahong sabi nito.
Muli ay nagpuyos siya sa galit.
Tinalikuran niya ito. "Kunin mo ang mga gamit ng babaeng iyon sa silid ni Adrian at isunod mo sa labas," pormal na utos niya rito habang lumalakad papasok sa glass door.
Bumakas sa mukha nito ang samo't saring emosyon pero kumilos upang tumalima sa kaniya.
**
SA DINING room ay naabutan niyang inililigpit ni Elaina ang pinagkainan nito.
Kaagad niya itong nilapitan at pahaltak na hinawakan sa braso.
"Bakit ba?" kaagad nitong react bagama't nagulat sa ginawa niya.
Imbes na sumagot ay hinaltak pa niya ito kaya nabitawan ang hawak na plato at bumagsak iyon sa paa nito mismo.
Nanlaki ang mata niya at kaagad itong binitawan.
Hindi nabasag ang plato dahil sa kapal niyon ngunit namilipit ang dalaga at impit na napaiyak dahil sa labis na sakit.
Lahat silang nandoon ay hindi nakakibo at napanganga sa namimilipit na dalaga.
Si Carlina na kadadating lamang doon bitbit ang ipinakuha niyang gamit ni Elaina ang lumapit dito at dumalo.
Noon siya nakabawi sa pagkabigla. "Carlina, magaling umarte ang babaeng iyan. Itayo mo siya at ihatid sa labas kasama ang mga gamit niya," utos niya sabay talikod at malalaki ang mga hakbang na lumabas doon sa komedor.
Ipapalasap niya kay Elaina kung paano siya magbigay ng parusa sa mga taong lumalabag habang nasa poder niya.
Napanganga sila Carlina at Elvira habang nakasunod ng tingin sa kaniya.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.