"AYOS ka lang ba, Elaina?" puna sa kaniya ni Robbie nang marinig nito ang ilang beses niyang pag-ubo.
Nakaupo siya sa mahabang sofa sa maliit nitong sala. Kakauwi lang nito ng hapong iyon buhat sa prutasan.
Tumango lang siya at ngumiti, kahit pa nga ang totoo ay mabigat na ang pakiramdam niya simula pa kanina.
"Kumusta ang paa mo?” tanong nito na ang tinutukoy ay ang paa niyang aksidenteng nabagsakan ng plato.
"Mabuti na, magaling ka kaseng albularyo eh," biro niya.
Kung anu-anong dahon ang itinapal nito sa paa niya kanina na siya namang nagpahupa sa pamamaga niyon.
Tiningnan siya nito at tumawa ng mahina bago lumapit sa kaniya at iniabot ang dalawang piraso ng mangga.
"Pinitas ko iyan para sa iyo," pantay lang ang tonong sabi nito.
"Naku! Baka mamaya, ikagalit sa 'yo ito ni Señorito Ndrew," sabi niya matapos kunin sa kamay nito ang mga iyon.
Medyo iba ang kaniyang boses dahil sa sipon pero hindi nito iyon napapansin dahil hindi naman ito nasanay na marinig ang normal niyang boses.
"Hitik sa bunga ang mga puno ng mga mangga sa prutasan, ikakagalit pa ba niya ang dalawang piraso lamang na iyan? Saka hindi madamot si Señorito Ndrew, lalo na pagdating sa pagkain, kaya hindi mo iyan dapat ipag-alala."
Napamata siya rito matapos marinig ang mga huling sinabi nito tungkol kay Ndrew. Nasa mga mata nito ang sinseridad nang sabihin nito iyon.
Naalis ang mga mata niya rito nang maramdamang tila tutulo ang kaniyang sipon. Kinuha niya ang tisyu sa kaniyang tabi at idinampi iyon sa ilong niya.
Kumilos si Robbie at naupo sa kabilang dulo ng sofa. "Ilang taon ka na pala, Elaina?" tanong nito sa kaniya kapagkuwan.
"Twenty-two, ikaw?"
"Twenty-six," mabilis nitong sagot.
Bata pa nga pala talaga ito tapos ay nag-po siya rito nang nagdaang gabi.
"Matagal ka na ba rito?"
"Nasa limang taon pa lang."
"Bakit...dito mo piniling magtrabaho? Mas maraming trabaho sa Maynila."
Ngumiti ito. "Ito kase ang linya ko. Agricultural kase ang inaral ko, kase alam mo na. Saka patas namang magpasahod sa mga tao si Señorito Ndrew, may benepisyo, tapos binibigyan pa niya ang kaniyang mga tauhan ng maayos na masisilungan, pabahay, kumabaga. May tatlong villages dito sa loob ng hacienda, kung saan nakatira ang lahat ng tauhan dito kasama ang kani-kanilang mga pamilya."
Points na naman para kay Ndrew ang sinabi nito. Sigurado ba sila na ang Ndrew na iniisip nilang dalawa ay hindi magkaibang tao?
"Si Señorito Ndrew, malapit ba siya kay Adrian?" naisip niyang itanong dito.
Bahagyang umasim ang mukha nito pero kaagad na ngumiti. "Hindi ko sure, eh. Ang alam ko lang maayos naman siyang Kuya kay Señorito Adrian. Si Señorito Adrian kase nang dumating ako rito sa hacienda ay hindi na namamalagi rito 'yan."
Napatango siya at magsasalita pa sana pero muli siyang napaubo kasabay ang pagtulo ng kaniyang sipon.
Wala sa loob nito na napahaplos sa likod niya dahil sa sunud-sunod niyang pag-ubo.
"Ang init mo, ah,” puna nito sa kaniya sabay dampi ng likod ng palad sa leeg niya. "May lagnat ka."
"Sinat lang 'yan," pagkakaila pa niya.
"Agapan mo na para hindi na lumala. May mga gamot akong stock dito," sabi nito na sinabayan ng pagtayo pero maagap niyang pinigilan.
"Hindi," wala sa loob na sabi niya.
Natigilan ito at napamata sa kaniya.
"Ang ibig kong sabihin, hindi ako puwede ng gamot kase—" naputol ang sasabihin niya nang makarinig sila ng katok sa pinto.
Sabay pa silang napatingin doon ni Robbie.
"Sandali," sabi ng binata at mabilis na tinungo ang pintuan.
Si Aling Carlina iyon na mabilis pumasok at lumapit sa kaniya. "Ipinasusundo ka ni Señorito Ndrew," sabi nito habang maluwang ang pagkakangiti.
"Pero, 'di ba po—"
"Halika na baka magbago pa ang isip niya,” putol nito sa kaniya.
"Sige na, Elaina, isusunod ko na lang ang gamit mo," sabi naman ni Robbie.
Nananakit man ang katawan at kasu-kasuan ay pinilit niyang tumayo buhat sa kinauupuan. Inihakbang niya ang mga paa.
Sinikap niyang hindi ipahalata sa mga ito ang masama niyang pakiramdam. Ayaw niyang malaman ng mga ito dahil baka makarating kay Adrian at mag-alala pa ang nobyo.
"Bakit ang init mo naman?" kunot ang noo na tanong ni Aling Carlina.
"May sinat po kase ako."
"Naku, Robbie, mahamog na. Kunan mo ng puwedeng ipandong itong si Elaina at baka mauwi pa sa pagkakasakit ito, iba pa naman ang boses mo," sabi nito na tumingin pa sa kaniya sa huling sinabi.
Mabilis kumilos si Robbie at iniabot sa kaniya ang isang hoodie jacket nito.
"Mayroon akong—"
"Okay lang, sige na," putol ni Robbie sa kaniya.
Noon may kumatok sa pinto.
Nagkatinginan sila habang si Aling Carlina ay mabilis na naitakip ang hintuturo sa sariling labi at sumenyas na lumabas na sila. Tapos ay kumilos ito at nagpatiuna ng lumakad palapit sa pintuan.
Kumilos siya at humakbang pasunod dito habang sinusuot ang jacket ni Robbie.
"Robbie, salamat," pahabol na sabi pa niya sa binata bago makalabas sa pintuan kasunod ni Aling Carlina.
Nagulat siya nang makita si Ndrew sa labas ng bahay ni Robbie. Hindi niya inaasahan na kasama ito ni Aling Carlina.
Madilim pa sa paligid ang anyo nito. "Nilalamok na ako rito sa labas kakahintay sa mabagal mong kilos," malamig ang boses na sabi nito bago tumalikod at nagpatiunang lumakad palapit sa kabayo nito.
Napaawang ang bibig niya bago napatingin kay Aling Carlina na noon ay nakasakay na sa isa pang kabayo.
'Bakit kabayo?' pareklamong tanong pa niya sa isip habang inaayos ang hood sa kaniyang ulo.
Lumakad siya patungo kay Aling Carlina.
"Dito ka sasakay," padaskol na sabi ni Ndrew sa kaniya.
"Sige na, Elaina, dumidilim na ang paligid,” pagtataboy naman ni Aling Carlina sa kaniya.
Wala siyang nagawa kun'di ang lumapit kay Ndrew. Tiningnan siya nito habang nangangapa siya kung paano sasakay sa kabayo nito.
"Robbie, isakay mo nga ang babaeng ito,” utos nito kay Robbie na noon pala ay lumabas na rin.
"Opo, Señorito Ndrew," mabilis nitong sabi at ibinaba ang travelling bag niya na bitbit nito.
Lumapit ito sa kaniya at inalalayan siya sa pagsakay. Nang maisakay siya nito sa kabayo ni Ndrew ay kumilos ito at dinala ang gamit niya kay Aling Carlina.
Nagsimula nang tumakbo ang kabayo na sinasakyan nila ni Ndrew. Nakasunod sa kanila si Aling Carlina sakay sa kabayo nito.
Buhat sa kaniyang pagkakaupo sa bandang likuran nito ay inihahatid ng malamig na hangin sa kaniyang ilong ang mild na amoy ng pabangong gamit nito.
Nagsimulang bumilis ang takbo ng kabayo pero kagaya ng isinilid niya sa isip nang sumakay sa kabayo ay hindi siya hahawak kahit sa laylayan ng damit nito.
Pero tila sinusubukan siya ni Ndrew dahil mas pinabilis pa nito ang pagpapatakbo sa kabayo. At dahil diyan ay muntik na siyang mahulog, mabuti na lang at napahawak siya sa baywang ni Ndrew.
'Nakakainis talaga ang lalaking ito!' sa isip-isip niya at walang nagawa kun'di ang humawak na nang tuluyan sa baywang nito.
Balewala naman dito iyon at tila nasa pagpapatakbo lang sa kabayo nakatuon ang konsentrasyon. Ang malamig nitong mga mata ay nakatuon lamang sa kanilang dinaraanan.
Napalunok siya. Bakit parang may kakaiba siyang nararamdaman habang nakahawak sa baywang nitong si Ndrew?
Parang napaka-komportable sa kaniyang pakiramdam kabaliktaran sa inaasahan niya lalo pa at hindi naman maganda ang impresyon niya rito maging ang pag-uugali na ipinakita nito sa kaniya.
Nagpatuloy sa pagtakbo ang kabayo hanggang sa marating nila ang paakyat na bahagi patungo sa mansion nito.
Nagpawis ang mga kamay niya nang maalala ang bangin sa gilid ng driveway na daraanan nila. Ganoon din ang naramdaman niya nang tugpain nila ni Robbie ang daang ito kanina.
Hindi niya namalayan ang sarili na tuluyan nang napapulupot ang kaniyang mga braso sa baywang ni Ndrew, dahilan para madikit sa mainit nitong likod ang mayayaman niyang dibdib.
Ang hood ng jacket sa ulo niya ay naalis at malayang inilipay-lipay ng hangin ang kaniyang mahaba at magandang buhok.
"Señorito Ndrew, p'wede bang bagalan mo ng konti ang pagpapatakbo sa kabayo? Natatakot ako, baka magkamali siya at mahulog tayo sa bangin,” hindi niya napigil na reklamo kasunod ang kaniyang pag-ubo.
"Kabisado pa ni Abilo ang daan kaysa sa 'yo, manahimik ka r'yan, at kung tatahol ka ilayo mo ang mukha mo sa mukha ko," malamig ang boses na sabi nito.
'Gago! Ano'ng tahol ang sinasabi mo? Tingin mo sa akin, aso?' inis na sabi niya sa isip habang patuloy ang pag-ubo sa likod nito.
At noon sumabay ang kaniyang sipon na unti-unti na tumatawid patungo sa kaniyang labi.
Hindi niya magawang alisin ang kamay sa baywang ni Ndrew. Natatakot siyang baka mahulog siya. Kaya naman pasimple niyang ipinunas ang ilong sa damit nito.
"Ano'ng ginagawa mo?" paasik na sita nito. Naramdaman pa rin pala nito iyon.
"W-wala," maikling tugon niya.
Hindi na ito nagsalita pa kaya naman nanahimik na rin siya maliban sa paminsan-minsang pag-ubo.
Hinigpitan niya ang yakap sa baywang ni Ndrew habang nakadaiti ang kanang pisngi sa likod nito. At dahil sa position niya, hindi niya nakita ang pagbaba ng tingin ni Ndrew sa kaniyang mga kamay na magkasalikop sa sikmura nito at napalunok ito nang ibalik nito ang tingin sa kalsada.
•••
PAGKARAAN ng medyo mahabang sandali ay narating nila ang mansion. Bumitaw na siya kaagad sa baywang ni Ndrew nang huminto ang kabayo sa labas ng kuwadra.
Kumilos ito at tumalon pababa sa kabayo. "Baba," malamig ang tingin at boses na utos nito sa kaniya.
Tiningnan niya ang tapakan ng paa sa gilid ng kabayo at dahil hindi naman siya sanay sumakay sa kabayo ay hindi niya kabisado kung paano bumaba.
Nawalan siya ng balanse at nahulog. Subalit mabilis si Ndrew at kaagad siya nitong nasalo kaya lamang ay patulak din siyang kaagad na binitawan, kaya naman napayakap siya sa kabayo nito.
Nagpalitan sila ng masamang tingin sa isa't isa.
'Masama talaga ang ugali ng lalaking ito!' sa loob-loob niya.
"Elaina!" boses iyon ni Aling Carlina na kadadating lamang sakay sa kabayo.
Umayos siya ng tayo upang sumalubong dito.
Kumilos naman si Ndrew at iginiya ang kabayo nito patungo sa kuwadra.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.