NAPASIMANGOT si Elaina dahil sa bigat ng kaniyang dala-dala. Gusto niyang ibagsak ang dalawang malaking basket na bitbit kaya lang ay naalala niyang pagkain ang laman ng mga iyon.
Napaupo siya sa ilalim ng puno ng mangga para magpahinga sapagkat hinahapo na siya. Hindi pa siya masyadong nakakalayo sa outdoor kitchen na naroon malapit sa plantasyon ng kape at tubuhan kung saan niluto ang mga pagkain na dala niya.
Tinanaw niya ang direksyong itinuro sa kaniya ni Aling Carlina at parang lalo siyang nakadama ng pagod nang makitang medyo malayo pa ang prutasan kung saan siya papunta.
Kinuha niya ang cellphone sa bulsa ng suot na maong shorts at kinontak ang numero ni Adrian pero hindi ito sumagot.
"Nakakainis! Adrian, kailan ka pa ba darating? Kailangan ka na ng Cinderella mo rito!" Muli niyang ibinalik sa bulsa ang cellphone.
Tumayo siya at muling binitbit ang dalawang basket. Pakiwari niya ay mas bumigat pa ang mga iyon.
Nakakailang hakbang pa lang siya nang matanaw ang kabayong itim na tumatakbo patungo sa direksyon niya.
Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa makalapit iyon sa kaniya.
Kaagad siyang napairap nang makita kung sino ang sakay ng kabayong iyon, si Ndrew.
"Masyado kang mabagal kumilos, baka tirik na ang mata ng mga tao sa prutasan dahil sa gutom bago ka pa dumating!" pagsusungit nito sa kaniya habang hinihila ang reins ng kabayo at pinahinto sa tapat niya mismo.
"Ambigat ng mga dala ko, hindi mo ba nakikita? Kung hinayaan mo sanang may tumulong sa akin sa pagbubuhat ng mga ito baka hindi ako natatagalan ng ganito," wala sa loob na pagtataray niya rito.
Natigilan ito at kunot ang noo na napatitig sa kaniya. Siya naman ay kaagad na naisip ang ginawang pagtataray rito pero hindi niya iyon inihingi ng pasensya.
Hinila nito ang tali ng kabayo. "Hyah!" Pinapihit nito iyon pabalik sa prutasan.
Nakalinga ito nang muling patakbuhin ang kabayo at bakas sa mukha ang labis na inis sa kaniya. Pero dahil nasa kaniya ang atensyon nito ay hindi nito napansin ang nakalungyong sanga ng isa pang puno ng mangga sa unahan nito.
"Watch out!" sigaw niya pero huli na para maiwasan nito iyon.
Tumama ito roon at muntik nang mahulog sa kabayo na kaagad nitong napahinto sa pagtakbo.
Nag-atubili pa siyang lapitan ito pero nang makitang hindi ito gumalaw sa pagkakahiga sa likod ng kabayo ay ibinaba niya ang mga bitbit at kaagad na lumapit dito.
"Hoy!" untag niya rito. "Buhay ka pa ba?" Niyugyog niya ang braso nito.
Bigla nitong iwinaksi ang kamay niya sabay bangon. "Huwag mo akong hawakan, nakakabuwisit ka!" galit na sabi nito bagama't malamig ang tingin na ipinukol sa kaniya.
Nakita niya ang namumula at dumudugo nitong noo.
'Buti nga sa'yo,' sa loob-loob niya.
Gusto niyang mapangiti pero pinigil niya ang sarili.
"Teka lang," bagkus ay wika niya habang nakatingala rito. "Kasalanan ko bang hindi umiwas 'yong sanga sa iyo?" asar niyang tanong dito bago tumalikod.
"Kasalanan mo kung bakit hindi ako nakaiwas," pahabol nitong sabi sa kaniya.
Napagdiin niya ang kaniyang mga labi dahil sa inis dito pero hindi ito nilingon bagkus ay nagpatuloy sa paglakad pabalik sa mga basket.
"Unang araw mo pa lang dito pero nakakadalawa ka na kaagad sa akin. Tandaan mo, hindi ka na p'wedeng tumatlo, sapagkat kung mangyari iyon ay ako mismo ang maghahagis sa 'yo palabas dito!" mataas ang boses na sabi nito sa kaniya saka muling pinatakbo ang kabayo patungo sa direksyon ng mansion.
Napaawang ang bibig niya sa pagkabuwisit dito pero wala siyang nagawa kun'di sundan ito ng matalim na tingin.
***
NARATING niya ang prutasan pagkaraan ng napakahaba na sandali. Pagsapit pa lang niya sa bukana ay napansin na kaagad niya ang tingin sa kaniya ng mga farmers doon.
Lumapit sa kaniya ang isang babae at kinuha ang isa sa dala niyang basket.
"Halika, dito natin ito ihain," wika nito sa kaniya at nagpatiuna nang lumakad patungo sa malaki at wawas na kubo kung saan naroon ang mahabang mesa na yari sa kawayan.
Sumunod siya rito habang pinupunas ng braso ang pawis sa kaniyang noo.
"Anong pangalan mo?" tanong niya rito nang maibaba na nila ang basket nilang dala sa ibabaw ng napakahabang mesa.
"Emily, ikaw?"
"Elaina," kaagad niyang tugon habang sinabayan ito sa paglalabas ng pagkain sa basket.
"Napansin ko na pinagtitinginan ako ng mga farmers dito, ngayon lang ba sila nakakita ng diyosang tulad ko?" pabirong tanong niya rito.
Ngumiti naman ito pero hindi nagsalita.
Hindi siya umimik at ipinagpatuloy ang ginagawa nila habang nakikiramdam dito.
"Siguro girlfriend ka ni Señorito Adrian, ano?" kapagkuwan ay tanong nito.
Napangiti siya saka tumingin dito. "Paano mo naman naisip?" tanong din niya.
Tiningnan siya nito pero kaagad ding lumampas ang tingin sa labas ng kubo kaya awtomatiko siyang napalingon sa direksyong tinitingnan nito. Nakita niyang bumaba sa kabayo si Ndrew. May bond-aid na ang noo nito.
Lumakad ito patungo sa kanila. "Bakit hindi pa sila nakakapag-simulang kumain!?" paasik na tanong nito sa kaniya.
Aba, pinag-iinitan talaga siya nito.
"Kararating ko pa lang—"
"Late na ang tanghalian nila. Maghahatid ka pa ng pagkain sa rancho!" pagsusungit nito. "Papatayin mo ba sa gutom ang mga tao ko!?"
Napakunot ang noo niya at napanganga kay Ndrew. Si Emily naman ay nataranta sa paghahain ng mga pagkain.
"Kung inaalala mo ang mga tao sa rancho, ano'ng ginagawa mo? Kung ang kakadakdak mo sa 'kin dito, eh, ikinilos mo na para maghatid ng pagkain sa mga tao mo roon baka ngayon kumakain na sila."
Nakita niya ang pagsasaltik ng mga bagang nito. Napanganga sa kaniya si Emily, wari'y hindi makapaniwala sa pagtrato niya sa amo nito.
"Saka, bakit ako?" dagdag pa niya. "Hindi mo ako tauhan o utusan dito, girlfriend ako ni Adrian. Hindi ba niya iyon nabanggit sa 'yo?"
Nanunuya ang tingin na ipinukol nito sa kaniya matapos ang sinabi niya pero kaagad ding nagdilim ang mukha.
"Bilisan mong kumilos, para kang pagong!" paasik na sabi nito sa kaniya.
"Bakit nagagalit ka? Kasalanan ko ba na malayo itong prutasan at mag-isa lang akong nagbitbit ng mga pagkaing ito papunta dito!?" pagtataray niya.
Napanganga na naman sa kaniya si Emily.
"Huwag mo nga akong masagot-sagot lalo na sa harapan ng mga tao ko rito!"
"Bakit? Ayaw mong makita nila at malaman na p'wede silang mangatwiran sa 'yo kapag alam nilang mali ka at nasa katwiran sila!?" tumaas na ang boses na tanong niya rito, napipikon na talaga siya.
Nabigla siya nang bigla nitong daklutin ang kaliwa niyang braso at hilahin palapit dito.
"Sino ka ba para makipag-usap sa akin ng ganito?!" galit na tanong nito.
"Magiging misis ni Adrian, at magiging sister-in-law mo," nakuha niyang tugunin ito sa kabila ng pag-aalala na baka kung ano'ng gawin nito sa kaniya.
Patulak siya nitong binitiwan. Napatama ang balakang niya sa gilid ng mesa at bahagya pa siyang napaliyad dahil sa lakas ng pagkakatulak nito.
Nasaktan siya pero ayos lang naman, alam niyang hindi siya nabalian ng balakang.
Hindi nakakibo si Emily at tila na-engkanto na napamasid na lang sa kanila.
Tumalikod si Ndrew upang umalis doon sa kubo.
Mabilis siyang nakaisip ng kalokohan para makaganti sa ginawa nito sa kaniya. Kunwa'y napadaing siya habang sapo ang kaniyang impis na puson.
"Ang sakit!" daing niya at pinilit niyang mapaiyak.
Pero hindi siya nilingon man lang ng binata.
Kaagad namang lumapit sa kaniya si Emily. "Ayos ka lang ba?" tanong nito.
Umiling siya. "Sobrang sakit ng puson ko, hindi ko kayang tiisin!" malakas niyang daing na sinabayan pa ng pamimilipit.
Noon lumingon ang binata sa kanila.
"Señorito Ndrew, namimilipit po siya sa sakit ng puson!" sumisigaw na sabi ni Emily habang hawak siya sa braso.
"Ang baby ko!" sabi niya na nagawang umiyak ng totoo.
Kaagad namang pumihit ang binata at mabilis na nakabalik palapit sa kaniya.
"Bakit hindi mo sinabing buntis ka!?" namumutla ito dahil marahil sa pag-aalala sa maaaring mangyari sa baby niya.
Imbes na sumagot ay ginalingan pa niya ang pag-arte.
Kaagad siya nitong binuhat. "Emily, pakisabi kay Robbie na kunin ang sasakyan," utos nito.
Kaagad namang tumalima ang inutusan na muntik pang madapa sa pagmamadali.
"Kaya mo pa bang tiisin?" tanong nito habang buhat siya at lumalakad palayo sa kubo.
"Hindi ko alam, mas sumasakit pa kase ng todo eh!" umiiyak niyang sabi.
"Oh, Diyos ko! Huwag mo pong pahintulutan na may mangyari sa baby," narinig niyang anas ni Ndrew, nag-aalala nga.
Gusto niyang matawa, ang cute pala nito kapag nasa ganoong mood.
Napatingin sa kanila ang mga tao roon pero hindi nagawang magbulungan o makiusyuso man lang.
Bakit parang matindi ang pag-iwas ng mga farmers dito kay Ndrew? Gaano kaya kasama ang ugali ng lalaking ito?
Iyan ang mga tanong sa isip niya nang mga sandaling iyan.
Dinala siya nito sa bungad ng prutasan at doon ay hinintay nila ang sasakyan habang buhat pa rin siya sa mga bisig nito. Para bang balewala lamang dito ang bigat niya.
Lihim siyang napangiti habang nakatitig sa mukha nitong larawan ng pag-aalala.
Ano kayang gagawin nito kapag nalamang umaarte lamang siya?
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.