NAPAKAGAT ni Giana ang labi niya dahil hindi niya talaga kakayaning makisama sa taong estranghero at mukhang hindi rin naman siya nito gusto. Naguguluhan siya kung paano sila naging mag-asawa ni Louie, samantalang wala naman sa kilos o kahit sa pagsasalita nito sa tuwing nag-uusap sila na mag-asawa sila at nagmamahalan.
Natatakot siyang makasama si Louie sa iisang bahay dahil baka kapag sila na lang dalawa ay saktan siya nito kagaya na lang nang muntikan na nitong nagawa bago pa dumating ang Mama niya at wala siyang magiging kakampi dahil nasa bahay siya ng asawa.
“Hindi talaga p’wede, Iyang. Paano mo naman maalala ang asawa mo kung lalayo ka sa kaniya?” tugon ni Mama sa kaniya.
“Bakit, Mama? May problema ba?” usisa ni Louie sa ina.
“Ang sabi kasi ng Doktor ay maaari nang umuwi bukas si Iyang pero gusto naman ni Iyang na sa bahay umuwi at hindi sumama sa’yo,” tugon ni Mama sa tanong ni Louie.
“Sa bahay ka uuwi dahil asawa mo na ako at ako na ang bahala sa’yo,” tugon ni Louie sa kaniya.
“H-hindi naman kita kilala—“
“Hindi pa ba patunay na asawa mo ako? Sinabi na mismo ni Mama sa’yo! Huwag mong sabihin na hindi ka rin naniniwala sa Mama mo?” may iritasyon na tanong sa kaniya ni Louie.
“Tignan mo, Mama! Ipagkakatiwala niyo ba ako sa taong iyan samantalang parang laging nagagalit sa akin?” masama ang loob na tanong niya sa ina.
Napatingin si Mama kay Louie. “Maaari bang intindihin mo na lang muna ang kalagayan ni Iyang. Naguguluhan kasi siya dahil sa pagkawa ng ilan sa alaala niya kaya sana ay habaan mo na lang muna ang pasensiya mo sa kaniya,” hiling ni Mama kay Louie.
“I’m sorry, Mama. Huwag po kayong mag-aalala kagaya pa rin naman ng dati ay mananatiling iintidihin ko si Gia,” mahinahong tugon ni Louie kay Mama saka tumuon ang tingin sa kaniya. “Sorry. Huwag kang mag-alala, safe ka sa poder ko,” anito sa kaniya.
“Mama, ayoko sa kaniya—“
“Hindi p’wede talaga,Iyang. Mas mabuting nasa poder ka ng asawa mo upang mas mabilis kang gumaling,” putol na ng ina sa sasabihin sana niya.
Napabuntonghininga na lang si Giana at hindi na nagawang magsalita pa o tumutol sa nais ng ina at ni Louie.
---
NGAYON hapon ay wala si Giana sa kwarto niya dahil may check-up ang asawa ni Louie ngayon at MRI sinisigurado ng Doktor kung maayos na ba talaga ang tinamo nitong injury. Nasa kwarto lang sila ni Mama at nag-aantay ng pagbabalik ni Giana.
“Louie may ipapakiusap sana ako,” untag ni Mama kaya napating siya rito.
“Siguro naman totoo ang kalagayan ngayon ni Iyang at ang sabi naman ng Doktor ay hindi magtatagal ang kalagayan niya kaya sana ang pakiusap ko habang wala pa siyang kahit anong naalala ay mas habaan mo pa ang pasensiya mo sa kaniya at huwag mo sanang hahayaan na makauwi siya sa bahay dahil alam mo naman ang sitwasyon ng pamilya namin,” hiling ni Mama sa kaniya.
“Hindi naman po siguro uuwi si Gia sa inyo kapag nakauwi na kami saka huwag na po kayong mag-alala, Mama, kasi nakausap ko naman ang Doktor kanina na hindi naman magtatagal ang kalagayan ni Gia at babalik din siya sa normal lalo na at maayos na talaga ang kalagayan niya maliban sa shock na tinamo ng utak niya sa aksidente,” tugon niya.
“Pero sa nakikita ko ay gustong-gusto niya talagang umuwi sa bahay at talagang bumalik ang kilala ko noong Iyang. “Napangiti si Mama pero may lungkot ang mga mata nito. “Bumalik ang Iyang na kilala ko, ang masasayang mga mata niya na matagal ko nang hindi nakita,” may lungkot na sabi ni Mama. “Maganda sana kung ganoon na lang siya,” hiling pa nito.
Tumayo si Louie saka niyakap ang ina ni Giana, na alam niyang punong-puno ng lungkot sa pinagdaanan ng pamilya nito at ni Giana.
“Huwag po kayong mag-alala, Mama. Hindi ko hahayaan makaalis sa poder ko si Gia at papayagang makauwi sa inyo,” pangako niya kay Mama.
Napangiti naman si Mama saka humiwalay na siya sa pagkakayakap at muling umupo sa sofa.
Naalala niya ang masasayang ngiti ni Giana na ilang beses niyang nakita simula nang gumising ito sa coma. Ang ngiting matagal na niyang hindi nakikita at nawala sa mga mata ang poot ng asawa mula sa nangyari sa buhay at pamilya nito pati na rin ang malakas na pagtawa ni Giana sa harapan niya, na hindi na rin nagagawa ng asawa at palaging umaakto ito noon na isang sopistikadong babae na natutohan nito sa pamilya nila.
Pero ang tanong na gumugulo kay Louie ay totoo kaya ang pagkawala ng alaala ng asawa? Hindi kaya nagpapanggap na naman ito para makaiwas sa nagawa nitong kasalanan bago ito maaksidente?
Napabuntonghininga si Louie at pinagmasdan ang text mula sa kaibigan niyang si Klay.
Klay:
I heard that your wife woke up and she is fine now? Did you know where she took the one million money she got from the company? Sana naman this time, ay suwetuhin mo na ng mas matindi ang asawa mo para hindi na umulit nang ganoong kalokohan. Ang laki ng problemang binigay niya sa atin.
Hindi sinagot ni Louie ang text na iyon mula sa kaibigan dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nalalaman kung saan dinala ni Giana ang isang milyon na ninakaw nito sa kompanya. Nawala pa ang ilang alaala nito at ang tanging natatandaan ay noong nineteen years old ito pababa.
Napabuntonghininga siya saka itinago ang cell phone sa bulsa ng pants na suot.
---
“TALAGA bang hindi ako p’wedeng sumama sa’yo pauwi, Mama?” malungkot na tanong ni Giana sa ina.
“Hindi talaga p’wede, anak. Paano ka naman gagaling kung sasama ka sa akin at uuwi ka sa bahay? Mas matatatak sa isip mo noong kabataan mo at baka hindi na kaagad bumalik ang mga alaala mo kasama ang asawa mo dahil umalis ka sa poder niya,” tugon ng ina.
Inaayos na ni Mama ang mga gamit niya habang nandoon siya sa Ospital at si Louie naman ay inaasikaso ang bill niya sa Ospital kaya wala ito sa kwarto.
“P’wede ka naman dumalaw sa bahay pero kapag tuluyan ka nang magaling,” sabi ni Mama na dahilan para malungkot siyang napabuntonghininga.
“Sa tingin ko, ay hindi ako gusto ni Louie. Parang lagi siyang galit kapag tinitignan niya ako,” sumbong niya.
“Iniisip mo lang iyon, Iyang. Mahal na mahal ka ng asawa mo,” tugon ni Mama. “Alam mo bang nang maaksidente ka, ay umiiyak si Louie na tumawag sa amin at nang pumunta ako rito habang inooperahan ka ay hindi siya mapakali.
“Halos wala na siyang tulog noong matapos ang operasyon mo at dalhin ka sa kwarto. At nagwala siya dito mismo sa Ospital nang hindi ka gumising kaagad at na-coma ka,” kuwento ni Mama sa kaniya na ikinagulat niya. “May mga bagay kasing hindi ka matandaan na nangyari sa inyong mag-asawa kaya siya ganoon sa’yo pero hindi naman ibig sabihin ay hindi ka na niya mahal.
“Mahal na mahal ka ng asawa mo at saksi kami ng pamilya mo sa pagmamahal niya sa’yo. Iyong mga nangyari sa inyo, na hindi mo matandaan ay natural lang naman sa isang mag-asawa. Kaya sana, Iyang, kahit wala kang matandaan kay Louie ay maging mabuti ka sa kaniya at ituring mo siyang asawa mo at hindi ibang tao,” dagdag ni Mama.
Totoo ba ang lahat ng narinig niya kay Mama? Na mahal na mahal daw siya ni Louie?
Pero bakit hindi niya maramdaman at bakit napakalamig ng mga tingin nito sa kaniya?
“Anak?” untag ni Mama sa kaniya.
“S-susubukan ko, Mama, na maging mabuting asawa sa kaniya,” tugon niya.
Ngumiti naman si Mama saka hinaplos ang mukha niya.
“Hindi maglalaon ay babalik din ang alaala mo at hindi ka na maguguluhan pa,” anito.
Ngumiti naman si Giana. “Ang sabi naman ng Doktor ay sandali lang naman itong pagkawala ng alaala ko, Mama, kaya babalik din ako sa normal,” positibo at nakangiting tugon niya.
May dumaan na namang lungkot sa mga mata ng ina pero nawala iyon kaagad at ngumiti sa kaniya.
“Sa ngayon, ay manatali kang maging masaya dahil bumalik ka na ulit sa pagiging teenager at hindi mo maaalala ang mga naging problema mo noong naging bente anyos ka pataas at lalo na sa mga naging trabaho mo,” nakangiting tugon ni Mama.
Masiglang ngumiti si Giana. “At feeling ko batang-bata pa rin ako pero maganda na nga lang,” tugon niya saka sabay silang natawa mag-ina at iyon ang naabutan ni Louie nang pumasok ito at nagulat dahil tumatawa siya.
“Ano, Louie? Naayos mo na ba ang bill at p’wede na ba kayong umuwi mag-asawa?” tanong ni Mama kay Louie.
“Opo, Mama,” tugon ni Louie. “Pinapunta ko na rin si Castro rito para ihatid kayo sa bahay niyo,” anito.
“Hindi sasabay si Mama sa atin?” gulat na tanong niya.
“Hindi na, Iyang. Mas malayo ang uuwian ko at baka mapagod ka masiyado sa biyahe kapag inihatid niyo ako,” tugon ni Mama.
Niyakap ni Giana ang ina. “Sayang, hindi ako makakauwi sa bahay. Gusto ko pa naman sana matikman ang luto mong adobong pusit, Mama,” naglalambing na sabi niya sa ina.
“Magpapaluto na lang ako sa kasambahay natin para makakain ka ng gusto mo,” sabat ni Louie.
“May kasambahay tayo?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Oo,” tipid na tugon ni Louie.
“Wow! Sosyalin ka naman pala!” bulalas ni Giana. “Mayaman ka ba?” nakangiting tanong niya kay Louie.
Natatawa naman si Mama na napatingin sa kaniya. “Oo, anak. Mayaman ang napangasawa mo,” tugon ni Mama.
“Hindi ko akalain na naging praktikal ako nang tumanda ako samantalang noong nineteen ko at may mas batang edad, ang pangarap kong mapangasawa ay kahit simpleng mamamayan lang. Basta nakakakain kami ay sapat na,” aniya. “Pero ilang-taon na ba tayong mag-asawa, Louie?” tanong niya.
“Tatlong-taon,” tipid na tugon ni Louie na may seryosong emosyon ng mukha.
“Wala pa tayong anak?” gulat na tanong ko.
“Wala pa, Iyang. Abala ka kasi sa trabaho,” kaagad na tugon ni Mama.
“Trabaho? Ano bang trabaho ko?” tanong niya.
“Publish author at sikat ang mga gawa mo,” nakangiting tugon ni Mama.
“Oh my God!” masayang tili niya na ikinasalubong ng kilay ni Louie. “Mama, naging manunulat talaga ako? As in?” hindi makapaniwalang tanong niya at masaya siyang nagtatalon. “Natupad ko pala ang pangarap ko,” masayang sabi niya.
“Oo at sikat ang mga gawa mo,” masayang sabi ni Mama.
“Aba! Sikat naman pala ang napangasawa mo, Louie. Hindi ka na rin lugi!” pagmamayabang niya kay Louie.
“Really?” inis na tugon ni Louie saka kinuha ang maleta. “Let’s go,” aya nito saka nauna nang naglakad palabas ng kwarto.
“Ang yabang ng lalaking iyon!” inis na sabi ni Giana. “Really?” inis na panggagaya pa niya sa sinabi ni Louie.
“Hayaan mo na, Iyang,” tugon ni Mama. “Lagi mong tatandaan ang bilin ko sa’yo, na maging mabuti kang asawa,” paalala nito.
“Opo, Mama,” tugon niya.
NASA biyahe na silang mag-asawa at tutok lang si Louie sa pagmamaneho habang si Giana naman ay panay ang masid sa daang tinatahak nila at na-traffic pa sila kaya nakahinto ang sasakyan at nag-aantay na umandar ang mga kotse.
“Louie,” tawag niya sa asawa.
“Yes?”
“Anong taon na ba ngayon?” tanong niya.
“Twenty-nineteen,” tipid na tugon ni Louie.
“Wow!” bulalas niya. “Hindi ko akalain na mabubuhay pa ako sa ganitong panahon. Two thousand twelve pa kasi ang naaalala ko,” tugon niya.
“Really?” tugon ni Louie.
“Oo,” aniya. “Nasa Maynila ba tayo?” tanong niya ulit.
“Yes,” tipid na tugon pa rin ni Louie.
Umandar na ang kotse at tutok na naman ang asawa sa pagmamaneho.
“Grabe pa rin pala ang traffic sa Maynila, ano? Walang pagbabago,” komento niya. “Bakit hindi pa rin sila nakakagawa ng lumilipad na kotse, eh, twenty nineteen na?” aniya.
Narinig niya ang pagbuntonghininga ni Louie at mukhang hindi nito nagugustuhan ang mga sinasabi niya kaya tumahimik na lang siya saka muling tumingin sa tinatahak ng sasakyan.
“Ang boring naman,” bulong niya saka napatingin sa radio ng sasakyan. “Louie, gumagana ba ang radio mo na ito?” tanong niya saka pinindot ang button ng radio.
Bigla namang tumunog ang radio at malakas ang volume. Ang tugtog pa naman ay nakakaindak kaya parehas silang nagulat ni Louie.
“Can you please don't touch my things?” iritadong sita ni Louie sa kaniya saka may kinuha at remote iyon saka tinutok sa radio na naging dahilan para mamatay ang radio.
“Gusto ko lang makinig ng music, eh,” mahinang tugon niya.
“Malapit na tayo sa bahay at doon ka na lang makinig ng music!” inis na tugon ni Louie.
Inis na humalikipkip si Giana at nakasimangot na tumingin na lang sa bintana ng kotse.
Nanlaki ang mga mata ni Giana at napahanga sa laki ng bahay na pinasukan ng sinasakyan nila ni Louie. Sa isang subdivision sila nakatira at malalaki ang bahay ng mga kapit-bahay nila na malalayo ang agwat at halatang mayayaman kaya sa pagpasok pa lang ng gate ng sasakyan ni Louie sa subdivision ay nagulat na siya lalo pa ngayon at nasa harapan na siya ng malaking bahay.
“Ito ang bahay mo?” gulat na tanong niya kay Louie pero hindi siya nito pinansin at lumabas ng kotse.
Sinubukan na buksan ni Giana ang pinto ng kotse pero dahil wala siyang alam sa ganoon kotse at first time lang niyang makasakay doon ay hindi niya alam kung paano bubuksan iyon hanggang sa kusa na iyong bumukas at nandoon na sa harapan niya si Louie.
“Salamat. Hindi pa kasi ako nakakasakay ng kotseng ganito—“
“Stop being nonsense again, Giana! It's not funny anymore!’’ inis na putol ni Louie sa sasabihin niya saka hinila ang braso niya at pumasok sila sa loob ng bahay.
Nawala sa isip niya ang sinabi ni Louie sa kaniya kanina dahil napahanga siya sa malaking sala na sumalubong sa paningin niya. Halatang nakakariwasa talaga ang taong nagmamay-ari ng bahay dahil sa dami ng mamahaling gamit sa sala pa lang.
Malaki ang buong sala at sa gitna nito ay may dalawang mahabang sofa na magkaharap at babasaging center table sa gitna ng mga sofa. Sa mga gilid ng sofa ay may tig-isang palayok na ceramic na medyo kalakihan at sa center table naman ay may base at bulaklak. Nangibabaw ang mga stripe ng kulay black at puti sa dingding habang ang sahig naman ay malalaking tiles na kulay grey ang kulay.
Maluwang ang sala at may kurtina na makapal mula sa kesame hanggang sa sahig ng napakahaba at malaking bintana na medyo nakaawang at kita ang labas, na hindi naman niya masiyadong maaninag dahil medyo malayo siya sa binata at may malaking chandelier din sa kesame.
“You look amaze?” untag na tanong ni Louie sa kaniya.
“Talagang amaze ako ngayon kasi ang laki pala ng bahay mo at mayaman ka pa lang talaga?” bulalas niya.
“Hindi ka ba talaga titigil diyan sa pagpapanggap mo? Nandito na tayo sa bahay at tayong dalawa na lang kaya itigil mo na iyang kalokohan mo!” galit na tugon ni Louie sa kaniya.
Dahilan para mapatingin siya kay Louie at puno ng galit ang emosyon ng mukha nito kaya napaatras siya at nakadama ng takot para sa asawa.
“H-hindi ako nagpapanggap—“
“Bullsh*t!” gigil na tugon nito at hinablot ang braso niya saka kinaladkad siya paakyat sa mahabang hagdanan.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.