“BINIGAY mo ba talaga ang number ko kay Lorenzo?” inis na tanong ni Maddie kay Gladys.
Nasa room sila ngayong dalawa at isang linggo nang nakakalipas pero hindi pa rin siya tini-text ni Lorenzo kung pumapayag ba itong maging tutor niya. Ang sabi ni Gladys sa kaniya matapos silang magkita noong nakausap niya si Lorenzo ay naibigay na ng kaibigan niya ang number niya pero hindi naman nag-text sa kaniya ang lalaking iyon.
“Binigay ko. Binilinan ko pa nga ng dalawang beses na i-text ka dahil kailangan mo ng tutor at bagsak ka sa dalawang major subject mo,” tugon nito sa kaniya.
“Bakit hindi nag-text samantalang isang-linggo nang nakakalipas!” maktol niya.
“Baka naman kasi ayaw niyang maging tutor mo siya. Nakita siguro niyang wala ka nang pag-asa pa,” sabat ni Remyrose na lalong ikinasimangot niya.
Natawa naman sina Gladys at Veronica. Nandito sa room nila Gladys ang dalawa pa niyang kaibigan dahil wala silang klase pareho at abala sa meetings ang mga professor nila.
“Nakakainis naman kayo! Imbes na tulungan niyo ako inaasar niyo pa ako!” iritadong maktol na naman niya.
“Kapag nakita mo na lang siya ulit ay kausapin mo ulit saka kulitin mo para mapapayag mong maging tutor mo siya. Ikaw naman nangangailangan kaya ikaw itong dapat mag-effort para maging tutor mo siya, hindi iyong siya ang magti-text sa’yo,” tugon ni Veronica sa kaniya na inayunan naman ng mga kaibigan niya.
Tama naman si Veronica. Kung hindi lang talaga siya nakadama ng hiya noong una niyang kinausap si Lorenzo ay hindi sana niya ito iiwanan at uutusan si Gladys na ibigay kay Lorenzo ang number niya para i-text nito.
MAG-ISA lang si Maddie na naglalakad ngayon at palabas na siya ng campus dahil may kaniya-kaniyang lakad daw ang mga kaibigan kaya nauna na ang mga itong umuwi habang siya ay naiwan sa campus dahil nag-practice pa siya kasama ang kapwang cheerleader ng sayaw.
Nanlaki ang mga mata ni Maddie nang makasalubong niya si Lorenzo na mukhang pauwi na rin at nakatingin din ito sa kaniya.
“Lorenzo!” malakas na tawag niya rito saka tumakbo para lapitan ito.
“Bakit?” tanong nito na may amusement sa mukha.
“Hindi ba binigay sa’yo ng kaibigan ko ang number ko? Bakit hindi mo ako tinext?” tanong niya.
Napakamot naman sa ulo si Lorenzo habang sabay silang naglalakad sa corridor ng school at malapit na sa hagdanan.
“Nakalimutan ko,” tugon nito.
Napanguso siya at nakadama ng inis. Sa dami ng mga lalaking gustong makuha ang number niya at mapansin niya ay nag-iisa lang ang Lorenzo na ito na pinagbigyan niya ng number ng kusa pa niya pagtapos kinalimutan siya kaagad. Hindi ba nito alam na isa siya sa sikat sa campus dahil sa kagandahan at ka-sexy-han niya saka anak pa siya ng Mayor ng lugar nila.
“Humihingi sa’yo ng tulong iyong tao tapos wala ka man lang awa at kinalimutan mo!” inis na tugon niya.
Huminto si Lorenzo saka tumingin sa kaniya na may seryosong mukha.
“Kung talagang nangangailangan ka ng tulong ay sana kinabukasan pa lang ay hinanap mo na ako at inulit ang sinabi mo sa akin sa Cafeteria. Abala rin ako sa pag-aaral at sa part time job ko kaya ang ibang bagay, na hindi naman mahalaga ay nakakalimutan ko,” tugon nito sa kaniya.
“Anong hindi mahalaga?” inis na tanong niya. “Mahalaga naman ang inihihingi ko ng tulong sa’yo saka magkakapera ka rin naman dahil babayaran kita kapag naging tutor kita. Magkano ba ang kailangan mo?” inis na tanong niya rito.
“Ganiyan na ba ang tamang paghingi ng tulong sa’yo?” inis na tanong ni Lorenzo sa kaniya. “Kung ganiyang ang ugali mo sa akin, ay huwag ka sa aking lumapit dahil hindi iyan oobra sa akin!”
Iniwan na siya ni Lorenzo saka mabilis na naglakad. Bigla naman natauhan si Maddie at nakadama ng hiya dahil sa pagyayabang niyang ipinakita kay Lorenzo. Hindi naman siya ganoong klaseng tao pero naging ganoon siya sa harapan ni Lorenzo dahil nainsulto siyang binalewala nito.
“T-teka lang,” tawag niya rito pero bumaba na ito nang hagdanan at hindi siya pinansin.
Napilitan tuloy si Maddie na tumakbo pababa ng hagdanan para mabilis na sundan ang binata pero nasa huling palapag na siya nang matapilok siya at matumba siya sa sahig saka malakas na napasigaw dahil tumama ang dalawang tuhod sa sahig. Masakit iyon pero hindi naman siya nagkasugat at nagkapilay.
“Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni Lorenzo sa kaniya saka pinantayan siya sa pagkakaupo sa sahig.
Napahikbi siya at hindi napigilang tumulo ang mga luha.
Napahiya na naman siya kay Lorenzo dahil sa pagkakadapa niya matapos niyang yabangan ito kanina.
“Sorry kung niyabangan kita kanina , Lorenzo. Please, pumayag ka nang maging tutor ko saka gamitin mo ang powers mo para maging matalino rin ako kagaya ng mga tinuturuan mo dati,” umiiyak na sabi niya rito.
“Ano bang pinagsasabi mo?” takang tanong nito sa kaniya saka inalalayan siyang tumayo at pinagpag ang tuhod niyang namumula at may mga alikabok.
“Dalawa na kasi ang bagsak ko tapos major pa at ang isa ay malapit ng bumagsak. Mahina kasi ang utak ko kaya humihingi ako ng tulong sa’yo. Ang sabi ng kaibigan ko, lahat dawn g tinuruan mo ay naging matalino at parang may powers ka raw na napapasahan ng katalinuhan silang lahat.
“Kailangan ko talagang makapasa at makapagtapos ng pag-aaral. Ayokong biguin ang pangarap nila Mama at Papa. Hindi ko naman sinasadya na magyabang sa’yo kanina,” paliwanag niya habang wala pa ring tigil ang mga luha sa mga mata niya.
May kinuha si Lorenzo sa bulsa nito saka inabot ang puti at malinis na panyo nito.
“Oh, ayan, ipunas mo sa sipon mo. Tumutulo na, eh,” anito.
Dahilan para mabilis niyang pinunasan ang ilong niya pero wala namang sipon na sinasabi nito kaya masama na niya itong tinignan saka pinunasan ang mga luha. May naglalarong ngiti na sa labi ni Lorenzo at natulala na naman si Maddie dahil mas gwapo pala ang binata kapag nakangiti.
“P-pumapayag ka na bang maging tutor ko?” tanong na niya kay Lorenzo.
Hindi nagsalita si Lorenzo at nag-isip pa kaya kinabahan na si Maddie.
“Lorenzo, nakikiusap ako—“
“Klay na lang itawag mo sa akin at bukas, matapos ng klase ko ay magsisimula na ang pag-tutor ko sa’yo pero gusto ko, ay dito lang tayo sa school,” putol nito sa sasabihin sana niya.
Nanlaki ang mga mata niya sa ka napangiti. “Pumapayag ka na?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Oo. One to two hours lang ang kaya kong ibigay sa’yong oras kasi may part time job ako pero kapag weekends, ay p’wede kahit umabot tayo ng five-hours pero ayokong sa bahay niyo,” tugon nito.
“Bakit naman?” nagtatakang tanong niya.
“Kilala ko ang Papa mo. Si Mayor Koronadal at magkalaban sina Lolo at Papa mo sa susunod na eleksiyon bilang Mayor,” tugon nito. “Ayokong ma-involve sa pamilya niyo, sa totoo lang pero pagbibigyan na lang kita basta hindi ako pupunta sa bahay niyo.”
Oo nga. Lorenzo ang apelyedo ng binata at narinig niya minsan sa usapan ng Mama at Papa niya, na may matinding makakalaban ang Papa niya sa posisyon sa susunod na eleksiyon at Lorenzo ang narinig niyang apelyedo na binanggit nito.
Dating Mayor din ang Lolo ni Lorenzo at magaling nga raw ito pero napalitan ng Papa niya tapos ngayong nalalapit na namang eleksiyon ay tumakbo pa rin ang Papa niya bilang Mayor kaya lang tumatakbo rin ang Lolo nito at marami raw ang may gusto sa dating Mayor, na magbalik sa posisyon.
Apo pala ito ng dating Mayor pero bakit parang ang simple lang nito saka bakit nagpa-part time job ito kaysa tumutok sa pag-aaral?
“Ano papayag ka ba?” tanong ni Lorenzo sa kaniya.
“O-oo, okay lang sa akin. Kung hindi tayo rito sa school kahit sa bahay na lang ng kaibigan kong si Veronica. Lagi namang mag-isa iyon sa bahay niya kaya papayag iyon na doon tayo,” tugon niya.
“Sige, basta hindi lang sa malapit sa Papa mo,” tugon nito.
Napangiti na siya saka inilahad ang kamay. “Ako nga pala si Madisson pero tawagin mo na lang akong Maddie, Teacher,” sabi niya.
“Klay Mikaelson Lorenzo. Klay for short,” nakangiting tugon nito saka tinanggap ang kamay niya.
“Klay Mikaelson? Tapos Klay ang gusto niyang itawag ko sa kaniya. Siguradong common name na niya iyon sa lahat ng estudyante niya saka sa mga friends niya. Kung Mikaelson naman nakakabulol kasi ang hirap banggitin.
“Baka mapagtawanan pa ako kapag tinawag ko siyang ganoon. Hmm, dapat iba—“
“—alam ko na!” kausap ni Maddie sa isip niya.
“Maddie?” tawag pansin ni Lorenzo sa kaniya.
Ngumiti siya kay Lorenzo dahil sa naisip niya na ipinagtaka naman ng binatang kaharap.
“Ayokong Klay ang itawag sa’yo, Teacher,” aniya na lalong ipinagtaka nito. “Kael na lang. Mas maganda ang pangalan na iyon, na itawag ko sa’yo at ako lang ang tatawag sa’yo ng ganoong pangalan sa lahat ng mga naging estudyante mo. Saka para hindi mo ako makalimutan sa lahat ng naging estudyante mo,” nakangiti pa niyang sabi rito.
Gusto ni Maddie maging iba sa lahat ng mga naging estudyante ni Kael at hindi siya makalimutan ng binata. Hindi niya alam kung bakit pero parang nagkakaroon siya ng paghanga ngayon pa lang kay Kael.
Napailing si Kael pero hindi naman nawala ang ngiti nito sa labi.
“Iyan ang nickname ni Mama sa akin noong nabubuhay pa siya at tama ka, ikaw pa lang ang tatawag sa pangalan kong iyan sa lahat ng mga estudyante ko. Pero kung gusto mo ay pagbibigyan kita,” tugon nito na mukhang hindi naman tumututol.
Nakadama siya ng awa sa binata dahil wala na pala ang Mama nito pero mukhang hindi naman ito malungkot na.
“Sige, Teacher Kael, bukas na tayo magkita ulit para sa unang klase natin at bukas na rin natin pag-usapan kung magkano ang ibabayad ko sa’yo,” nakangiting sabi niya saka nauna nang naglakad.
Hindi na nagsalita pa si Kael at nakangiti na lang na pinagmasdan na umalis si Maddie. Mukhang magiging masaya si Maddie habang tinuturuan ni Kael.
NAPABALIKWAS ng bangon si Maddie dahil sa isang malakas na katok mula sa pinto ng kwarto niya. Tinatawag pa ang pangalan niya at walang iba iyon kundi ang pinsan niyang si Arya, na kasama niya sa bahay at tagapag-alaga ni Poypoy. Naputol ang panaginip niya na bahagi ng alaala nila noon ni Kael.
Tumayo si Maddie saka lumapit sa pinto at binuksan.
“Ate Maddie, si Poypoy kinukumbulsyon sa sobrang taas ng lagnat!” sabi ni Arya sa kaniya.
Bigla ay nakadama ng matinding pag-aalala si Maddie at sabay sila ni Arya bumaba sa hagdanan at nakita niya kaagad si Poypoy na nakahiga sa mahabang sofa at nangininiga.
Mabilis na nilapitan ang anak saka niyakap at sobrang taas ng lagnat nito habang tumitirik ang mga mata saka may mga rashes sa katawan.
“Dalhin natin siya sa Ospital!” sabi niya.
Sa Ospital kung saan na-confine si Poypoy ay doon din nila dinala ang anak niya kaya mabilis na inasikaso ng Doctor ang bata na hindi na nagkokombilsyon pero muli ay mamamalagi na naman ang bata sa Ospital.
“Akala ko ba, Doc, magaling na ang anak ko? Bakit nilalagnat na naman siya matapos ng isang linggo?” tanong niya sa Doctor at hindi mapigilan ang mga luha sa mga mata.
“Magaling naman na talaga ang anak mo sa dengue pero ibang dahilan ngayon kung bakit siya mataas na nilagnat at nagkumbulsyon,” tugon ng Doktor.
“A-ano na naman po ang dahilan ngayon? Bakit nagkaganiyan ang anak ko, Doc?” nag-aalalang tanong niya.
“Ayon sa mga test ay mayroong Kawasaki disease ang anak mo. Noong una ay dengue ang sakit niya napunta sa Kawasaki disease kaya nagkaroon na naman siya ng mataas na lagnat,” tugon nito.
“Kawasaki disease? A-anong sakit iyon, Doc? Malala po ba?”
“Dahil first phase pa naman ang pinagdadaanan ng bata, ay madaling maagapan ang sakit niya. Mabuti na lang talaga ay nadala mo ang anak mo sa Ospital kaagad. Ang Kawasaki disease ay rare na sakit, na hindi alam ang sanhi na ang pangunahing nakakaapekto ay ang mga batang wala pang limang taong gulang.
“Kailangan ma-treatment kaagad ang anak mo dahil kapag lumala ang sakit niya ay pati ang puso niya, ay maapektuhan na dahilan para mas lalong ikapamahamak ng bata. May ibibigay sa inyong reseta ng gamot na kailangan ng anak mong bilhin kaagad,” sabi ng Doctor.
Nakadama ng panghihina lalo si Maddie at wala pa ring tigil ang mga luha, na napatingin siya sa walang malay na anak na nasa higaan ngayon.
Wala na siyang kapera-pera dahil naubos na sa lahat ng naging utang niya sa kapit-bahay noong nagka-dengue si Poypoy at sa pagbayad din niya sa kulang na bill sa Ospital at ngayon ay kailangan na naman niya ng pera para makabili ng gamot ni Poypoy sa dumapong kakaibang sakit mula sa bata.
“Ate, may naipon akong pera. Iyon na muna ang gamitin mo para kahit paano makabili tayo ng gamot niya. Hindi na muna ako mag-e-enroll this year kasi mas kailangan ni Poypoy ang gamot,” sabi ni Arya sa kaniya.
Ang perang sinasabi ni Arya ay ang naipon nito sa online job at gagamitin sa pag-enroll nito ngayong taon. Nahinto na si Arya last semester sa pag-aaral.
Ulila na rin ang pinsan at nauna pa itong naulila kaysa sa kaniya. Dose anyos pa lang noon si Arya nang maulila, sa probinsiya pa noon nakatira ang pinsan at dahil walang ibang gustong umampon na kamag-anak, ay kinuha na lang ng Papa niya dahil bunsong kapatid naman ni Papa ang Mama nito.
Mabait at maasahan na bata si Arya at hindi na niya ito tinuring na iba kahit ang pinsan sa kaniya. Hindi nga siya iniwan nito kahit pa sobrang hirap ng buhay nila.
“Sige, iyan na muna ang gagamitin natin sa ngayon pero papalitan ko iyan kaagad, Arya. Mag-aaral ka ngayong taon at may naisip na akong paraan para maibalik sa’yo ang pera mo at matustusan ang bill ng Ospital ni Poypoy,” payag ni Maddie.
“Anong paraan, Ate?” tanong ni Arya.
“Basta. Ikaw na ang bumili ng gamot ni Poypoy at bumalik ka kaagad dito dahil aalis din ako at may mahalagang pupuntahan. Pagbalik ko may pera na ako para sa tuition fee mo at para na rink ay Poypoy,” tugon niya sa pinsan.
Alam ni Maddie na naguguluhan pa rin ang pinsan pero hindi na rin naman ito nag-usisa saka umalis para bilhin ang gamot ni Poypoy, mahal din ang halaga at kukulangin pa ang pera ni Arya sa kaniya.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.