NAPABUNTONGHININGA si Maddie at naramdaman niyang inakbayan siya ni Leticia.
“Wala naman tayong ginawang mali lalo ka na kaya siguro naman ay hindi mapupurnada ang kikitain natin dito at siguradong matatapos ang problema mo,” pagpapalakas ng loob ni Leticia sa kaniya.
“Sana nga,” hiling niya.
Mayamaya matapos nilang magpalit ng damit at makapagtanggal ng make-up, ay pinuntahan sila ng isang lalaking kasama ni Kael at doon ay bumalik ang kaba niya pero mukhang mabait naman ito dahil nakangiti itong nakatingin sa kanila
“I'm Falcon, the owner of this bar and the one who hired you for my friend Klays' birthday. Sorry for what my friend did, especially to you, Ms. Maddie, right?”
Tumango siya kahit sa totoo lang ay nagtaka siya na alam ni Falcon ang pangalan niya, hindi lang pangalan kundi ang nickname niya samantalang mga malalapit na kilala lang naman niya ang tumatawag sa kaniya nang ganoon o hindi kaya malapit na katrabaho niya.
“I won't explain why my friend did that. But I want to tell you that I will pay for your performance tonight as in the contract I signed and there is a tip to make up for what my friend did,” sabi ni Falcon sa kanila na ikinangiti nilang tatlo.
“Salamat naman po kung ganoon,” kaagad niyang tugon.
“Wala naman kayong ginawang mali kaya dapat kung sundin ang nasa kontrata saka naging bastos din sa inyo si Klay kaya nahihiya rin naman ako,” paliwanag ni Falcon sa kanila.
“Pare, kumusta?” tanong ng lalaking bigla na lang pumasok at isa iyon sa kasama ni Kael kanina na nanood.
Ngumiti ang lalaking iyon sa kanila na nginitian din kaagad nila Ingrid at Letica at siya naman ay hindi makangiti dahil sa may kasunod pa itong pumasok na seryoso at matiim na tumingin sa kaniya dahilan para makadama siya ng kaba at mabilis na tumibok ang puso niya.
Wala pa ring pagbabago sa pagtibok ng puso niya kapag nakikita ang lalaking iyon. Kahit mas naging kahanga-hanga ito ngayon at gusto niyang pakatitigan ang guwapong mukha nito, ay hindi niya magawa sa kahihiyang nadarama dahil sa mga nagawa niya rito noong anim na taon nang nakakalipas.
“Hello, I’m Conrad,” pakilala nang unang sumunod kay Falcon. “Ang galing niyo kanina lalo ka na, Miss,” sabi pa ng Conrad ang pangalan at sa kaniya nakatingin saka inilahad ang kamay.
“Thank you,” tugon niya saka tinanggap ang pakikipagkamay ni Conrad at sinunod na nakipagkamay ito kina Leticia at Ingrid.
“Long time no see, Maddie,” bati ni Kael sa kaniya, na ikinagulat niya at may ngisi ito sa labi.
Bakas ang gulat sa mukha nila Ingrid at Leticia saka napatingin sa kaniya. Halatang sa emosyon ng mukha ng mga ito ang pagtatanong kung magkakilala ba silang dalawa ni Kael o Klaus, na tawag ng mga kaibigan nito rito.
Ngayon napagtanto ni Maddie kung gaano kamapaglaro ang tadhana. Noon ay gusto niyang makita si Kael para malaman man lang ang naging kalagayan nito o naayos ba nito ang buhay matapos ng ginawa niya subalit hindi iyong magkikita sila sa ganitong pagkakataon.
Gusto niyang makita si Kael pero ayaw naman niyang makita pa siya nito muli. Dahil alam niyang walang kapatawaran ang pagsira niya sa buhay nito dahilan para mawala ang lahat noon sa binata.
“H-hello, Sir,” bati na lang niya para hindi mahalata ng mga kasama nila ngayon sa dressing room ang ilang na nararamdaman niya.
Mariin na napakuyom si Maddie sa mga kamay niya dahil sa kabang nararamdaman.
“Sir?” tanong ni Kael sa kaniya na may pagtataka.
“Klay, sa tingin ko ay dapat iwanan na natin sila. Kailangan na nilang ayusin ang mga gamit nila para makauwi na sila. Babiyahe pa ang mga iyan sa Bulacan,” sabat ni Falcon.
“Ah, okay,” tugon ni Klay saka nauna nang umalis.
“Medyo werdo talaga ang kaibigan naming iyon. Pasensiya ka na, Maddie,” nakangiting hingi ng pasensiya sa kaniya ni Conrad na ikinangiti na rin niya.
“A-ayos lang po,” tugon niya.
“Maiwan na namin kayo. Ibibigay ko na lang bukas kay Simon ang bayad ko sa inyo,” nakangiting paalam ni Falcon.
Tango lang ang ginanti niya saka nagpaalam din ang dalawang lalake kina Leticia at Ingrid.
“Hoy babae! Kilala mo ba ang mga iyon?” usisa ni Ingrid sa kaniya kaagad.
“Oo nga. Lalo na iyong isang mysterious type na Klay ang pangalan? Halatang magkakilala kayo sa pagsabi pa lang niya ng long-time no see, Maddie,” usisa rin ni Leticia sa kaniya.
“D-dati ko siyang kaklase sa isang subject noong College kami,” tugon niya. “P-pero hindi kamin close. Hindi ko nga siya natandaan kaagad kaya Sir ang itinawag ko sa kaniya.”
“Seryoso? Sa gwapo niyang iyon hindi mo siya natandaan?” hindi makapaniwalang tanong ni Leticia sa kaniya.
“Oo. Sa dami ba naman kasing taon ang lumipas saka ang daming problemang dumating sa buhay ko kaya naging makakalimutin na ako,” tugon niya sa mga ito.
“Sabagay,” ayon naman ni Ingrid.
Mukhang naniwala naman ang dalawang babae sa idinahilan niya at bakas naman sa mukha ng mga ito.
“Mag-asikaso na tayo para makauwi na tayo kaagad,” aniya saka iniwan sina Ingrid at Leticia at inayos ang mga gamit niya.
Nakipag-usap pa sa kaniya sina Leticia at Ingrid na tinutugunan naman niya pero hindi na si Kael ang naging topic ng mga ito na ipinagpasalamat niya.
“MADDIE, tawag ka ni Sir Simon,” kuha ng kasamahang ni Maddie na waitress sa kaniya habang naglilinis siya ng lamesa dahil magbubukas na ang club mayamaya.
Napatingin siya sa kumuha ng atensiyon niya na si Sandra na isa rin waitress at may hawak pang basahan sa isang kamay.
“Bakit daw?” taong niya rito.
Nagkibit-balikat si Sandra sa kaniya. “Puntahan mo na lang para malaman mo. Mukhang seryoso si Sir,” tugon nito kaya tuluyan na siyang tumayo nang maayos.
“Sige,” tugon niya.
Isang linggo na ang lumipas nang pagbigyan siya ni Simon, na maging one-time dancer at malaki ang kinita niya sa trabahong iyon na ipinangbayad niya sa mga utang sa kapit-bahay at bill ni Poypoy sa Ospital kaya nakalabas na rin ang anak sa Ospital. Nasa bahay na ang bata kasama ang pinsan niyang si Arya, na tagapag-alaga ng anak niya.
Walang maisip na dahilan si Maddie kung bakit siya pinapatawag ngayon ni Simon at hindi rin niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinabahan. Siguro dahil sa sinabi ni Sandra na seryoso ngayon si Simon kaya siya kinabahan.
Pagdating sa harapan ng pinto ng office ni Simon ay kumatok na muna siya at nang marinig niyang pinapapasok siya ng boss ay binuksan na niya iyon at iniluwa ang seryosong si Simon na nakaupo sa swivel chair nito.
Lumapit na si Maddie sa boss at senenyasan siya nitong umupo sa upuang kaharap nito na sinunod naman niya.
“Bakit mo ako pinatawag, Simon?” tanong niya sa boss.
First name basis ang tawagan nila kahit boss niya ito dahil kababata niya rin naman ito saka iyon din ang gusto ni Simon na itawag sa kaniya.
“May problema, Maddie,” umpisa ni Simon at napahilot ito sa sentido. “Ngayon pa lang ay humihingi na ako ng sorry dahil sa nagawa ko.”
“A-ano ba iyon?” tanong niya at lalo siyang kinabahan.
“Iyong bahay at lupa mo wala na sa kamay ko,” tugon ni Simon na ikinalaki ng mga mata niya sa gulat.
“Wala na sa kamay mo? Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan pa rin niyang tanong pero may iba na siyang kutob na ayaw naman niyang tanggapin dahil alam naman niyang hindi gagawin iyon sa kaniya ni Simon.
“Wala na sa akin ang karapatan ng bahay at lupa mo dahil naibenta ko na iyon,” tugon ni Simon na lalong ikinalaki ng mga mata niya at mabilis na kumabog ang dibdib niya. “Hindi ko na rin kayo p’wedeng patirahin sa bahay na iyon dahil hindi naman na akin iyon—“
“Akala ko may usapan tayo, Simon? A-ang sabi mo ay aantayin mong mabayaran ko ang bahay at lupa sa pagtatrabaho ko sa’yo rito—“
“Maddie, kahit magtrabaho ka ng sampung-taon dito sa club ko, ay hindi mo mababayaran ang bahay at lupa niyong iyon sa akin! Ang laki ng halaga na iyon saka hindi lang iyon ang utang ng Kuya mong pera sa akin.
“Kaya kung bibilangin natin, ay kulang pa ang sampung-taon sa pagtatrabaho mo rito para mabayaran ang lahat nang iyon dahil hindi naman malaki ang sahod mo rito at halos hindi ko pa maibawasan iyon dahil sa mga pangangailangan mo sa buhay at ni Poypoy!”
“Pero, Simon, may usapan tayo! Naniwala ako na susundin mo ang usapan natin!” mahinahon pero matigas na tugon niya rito.
Iritadong ginulo ni Simon ang buhok saka umiwas ng tingin sa kaniya. Hindi niya magawang sigawan si Simon, magalit dito at sumbatan ito sa ginawa nitong pagbenta sa lupa at bahay nila dahil malaki ang utang na loob niya rito at naging sobrang lapit nila sa isa’t-isa at parang itinuring na niya itong parang kapatid.
“S-sorry,” pagpapakumbaba niya at hindi napigilang tumulo ang mga luha. “H-hindi dapat kita pinagsasalitaan nang ganoon kasi ang laki ng utang na loob ko sa’yo s-saka hindi naman na talaga sa akin ang bahay at lupang iyon—“
“Kausapin mo ang taong bumili ng bahay at lupa mo,” putol ni Simon sa sasabihin sa kaniya.
Nagulat siyang napatingin muli kay Simon at hindi niya maintindihan kung bakit punong-puno ng konsensiya ang mga mata nito.
“Si Mr. Conrado ang bumili ng bahay at lupa mo. A-ang alam ko ay mabait siya at maraming tinutulungang kapus-palad kaya siguro kapag kinausap mo siya at pakiusapan ay baka pumayag siyang ibalik sa’yo ang bahay at lupa mo.
“O kaya bayaran mo ng paunti-unti kagaya lang noong pag-uusap natin nang ibenta sa akin ng Kuya mo ang bahay at lupa niyo. Mayaman naman si Mr. Conrado at hindi naman niya siguro ipagdadamot sa nangangailangan na katulad mo ang bagay na ipapakisap mo,” mahabang sabi ni Simon sa kaniya. “Maddie, wala na akong magawa. Sorry,” puno ng konsensiyang sabi nito.
“Sa tingin mo ba papayag si Mr. Conrado na maibalik sa akin ang bahay at lupa kahit babayaran ko siya ng paunti-unti?” tanong niya kay Simon.
“Sa tingin ko, mas papayag siya kapag nagtrabaho ka sa kaniya,” tugon ni Simon. “Iyon naman talaga ang gusto niya,” mahinang anas nito.
Narinig ni Maddie iyon pero hindi niya maintindihan ang gustong ipahiwatig ni Simon sa kaniya.
“Gusto ni Mr. Conrado?” tanong niya.
“Mamaya darating siya. Sinabi ko na sa kaniya ang sitwasyon mo at sinabi niyang mag-usap daw kayo pagdating niya,” anito saka umiwas ng tingin sa kaniya.
Nagulat na naman si Maddie dahil sa sinabi ni Simon.
“Ganoon kabilis? Ngayon mo pa lang sinabi sa akin tapos makikipag-usap na siya kaagad?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“O-oo. Kasi alam niya ang kalagayan mo,” tugon nito sa kaniya.
Bigla ay nagkaroon ng pag-asa si Maddie na maibabalik sa kaniya ang bahay at lupa.
“Sige, kakausapin ko siya,” matatag na tugon niya. “Makikiusap ako sa kaniya para pumayag siya. Ayokong mawala ang natitirang ari-arian ng mga magulang ko dahil iyon na lang ang natatanging ari-arian na pinaghirapan noon nila Papa at Mama sa akin.
“Napakahalaga ng bahay at lupang iyon dahil nandoon ang lahat ng magandang alaala namin noong buo pa ang pamilya namin k-kaya hindi ako papayag na pati iyon ay mawala sa amin,” sabi niya at hindi napigilang maging emosyonal.
Napabuntonghininga si Simon at puno ng awa ang emosyon ng mukha habang nakatingin sa kaniya.
Pagsapit ng alas-diyes ng gabi ay pinatawag muli siya ni Simon sa office nito at sinabing dumating na si Mr. Conrado subalit nasa parking ito ng club sa loob ng kotse at doon nito gustong makipag-usap.
Sinabihan siya ni Simon na puntahan kaagad ito at kausapin, na sinunod naman niya at kahit kabado siya sa gagawing pakikipag-usap kay Mr. Conrado, ay nasa puso rin naman niya ang pag-asa na pagbibigyan siya nito sa ipapakiusap niya.
Ngunit nagbago ang lahat nang iyon nang makaharap at makausap na ni Maddie si Mr. Conrado, na si Kael pala na nagpalit ng apelyedo kaya hindi niya inaasahan na ito pala ang makakaharap niya ngayon.
Hindi lang apelyedo ang nagbago mula kay Kael kundi pati ang ugali nito lalong-lalo na sa kaniya. Ngayon naisip ni Maddie, na mukhang sadya ang nangyaring pagbili ni Kael sa bahay at lupa niya hindi upang magkita sila muli kundi upang ipamukha ni Kael, kung gaano na ito kayaman at alukin siya nitong maging babae nito.
Naghihiganti si Kael sa lahat ng kalupitang ginawa niya noon dito pero hindi inaasahan ni Maddie, na ganoong klaseng paghihiganti ang naisip nito para sa kaniya.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.