"SA lahat yata ng bride na nakita ko, ikaw lang ang hindi masaya." Inakbayan ni Liam ang nakababatang kapatid at bagong kasal na si Gwen. Nasa wedding reception sila nito. "Huwag mo sabihin sa'kin na pinikot ka lang ni Nicolo kaya malungkot ka?" biro pa niya sa kapatid.
Sandaling natahimik si Gwen at pagkatapos ay inirapan siya kunwari. "Sa tingin mo, ako ang tipong magpapapikot, Kuya?"
Tumawa si Liam. "Gano'n pala, eh. Ikinasal kayo dahil mahal na mahal n'yo ang isa't isa. So cheer up and smile." Hinawakan niya sa baba ang kapatid. "Kasi napakasuwerte mo, Gwen. Asawa mo na ngayon ang pinakamabait at pinakamagaling na INTERPOL agent."
"So sa'kin, hindi siya masuwerte?"
"Mas masuwerte siyempre si Nicolo kasi napangasawa niya ang pinakamaganda at pinakamagaling na pulis." Bahagya niyang ginusot ang buhok ni Gwen. "Basta masaya ako para sa'yo. Kasi alam kong napunta ka sa mabuting tao."
"Siyempre, highly recommended ko ang best friend ko na iyon, eh," sabat ng kanilang Kuya Dean na sumulpot sa likuran nila. Ito ang eldest sa kanilang tatlo. "Papayag ba naman akong pakasalan ni Nicolo ang prinsesa ng pamilya natin kung alam kong loko-loko siya?"
Tumayo si Gwen at yumakap sa kapatid. "Thank you for coming, Kuya Dean. Dahil kahit medyo maselan pa ang kalagayan ni Ate Joanna, at malayo ang Australia, um-attend pa rin kayo sa wedding ko."
Asawa ni Kuya Dean ang tinutukoy ni Dean. Kalalabas lang nito sa ospital dahil tinamaan ng bala nang minsang mapalaban sa mga dating kasamahan sa trabaho.
"Nandoon naman si Mark. Hindi siya pababayaan ng kapatid niya." Ginusot din ni Kuya Dean ang buhok ni Gwen. "At saka, puwede bang hindi ko i-witness ang kasal n'yo ni Nicolo. Gusto ko pa ngang malaman kung anong pinakain niya sa'yo at napasagot ka niya. At kasal kaagad. Samantalang todo-tanggi ka sa kaniya noong nagbakasyon kayo sa Australia."
"Kaya nga tinatanong ko siya, Kuya, kung napikot ba siya ni Nicolo. O baka na-shotgun wedding," natatawang biro ni Liam.
"Baka ikaw ang ginayuma ni Roxie? Eh, 'di ba sabi mo noon, mga papeles sa opisina ang pakakasalan mo?" ganting-tudyo sa kaniya ni Gwen. "Eh, bakit engaged na kayo?"
Nagkatawanan lang silang tatlo. Ganoon lang talaga silang magkakapatid. May hindi pagkakaunawaan kung minsan. Pero lumaki sila na malapit, at mahal na mahal ang isa't isa. Dahil hindi igi-give up ni Liam ang magandang football career niya para lang sagipin ang Kuya Dean niya sa obligasyon nito sa kumpanya, at sa pamilya nila.
Mayamaya pa ay nagpaalam na si Gwen para sa picture taking, kasama si Nicolo.
"Mukhang ikaw na ang isusunod next year, ah." Tinapik si Liam ng kaniyang kuya nang silang dalawa na lang ang naiwan.
"Hopefully, Kuya. Tatapusin lang ni Roxie ang kontrata niya tapos babalik na siya rito for our wedding."
"Masaya akong malaman iyan. Akala ko talaga, itutuloy mo na ang pagpapakasal sa mga papeles sa opisina. Ikaw sana ang maging kauna-unahang matandang binata sa pamilya Monreal."
Nagkatawanan lang ang magkapatid. Ang totoo niyan, biro lang ni Liam ang sinasabi niya noon na pagpapakatandang-binata. Dahil gusto rin niyang makita ang lahi niya. Wala lang kasi siyang makita noon na babae na handa siyang pakasalan. May mga naging girlfriend din naman siya bago si Roxie.
Pero ewan.
Simula nang mangyari ang "insidente" na iyon sa pagitan nila ni Tere, parang nawalan na siya ng gana sa ibang babae. Hindi na siya makapag-focus. Mabuti na lang at nakilala niya si Roxie. Pinakalma nito ang nagulo niyang sistema dahil kay Tere.
PATULOY ang kasiyahan sa wedding reception. Lahat ng kanilang mga pamilya at kaibigan ay masaya para sa pag-iisang dibdib nina Gwen at Nicolo. Bagaman at marami ang hindi makapaniwala na pagkatapos ng ilang taong pambabasted ng kapatid ni Liam kay Nicolo, sa simbahan din pala mauuwi.
Kapagkuwan ay ngumiti si Liam nang matanaw niya ang kaniyang first cousin na si Kiesha. Mas bata ito sa kaniya ng apat na taon.
Tumayo siya at sinalubong niya ito ng yakap. "I miss you, little cous. How are you?" Abala silang pareho kanina kaya ngayon lang sila nagkumustahan.
"Heto, single pa rin pero masaya." Nagbeso kay Liam ang pinsan niya. "Ikaw, kumusta na ang bagong buhay? Ano ang feeling na imbes mga fans, mga papeles na ang pumapalakpak sa'yo?"
Sa kanilang magpipinsan ay sina Liam at Kiesha ang pinakamalapit sa lahat. Close friend kasi ito ni Tere noong kabataan nila. At alam niya ay hanggang ngayon.
"Stressful but enjoyable," natatawang saad ni Liam. "Hindi ako obligadong makipag-selfie sa mga tao. Unlike before, noong football player pa lang ako. Kahit sobrang pagod na ay kailangan pa ring ngumiti."
Umupo si Kiesha sa tabi niya. "Eh, kumusta naman kayo ng Roxie na iyon? Kailan kayo magbi-break?"
Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Hey, girlfriend ko iyon!"
"I'm sorry, Kuya." Nagkibit ng mga balikat si Kiesha. "Pero hindi ako magso-sorry na hindi ko siya gusto for you. Mas bet kong maging pinsan si Tere. For me, kayo talaga ang nakatadhana para sa isa't isa."
May kung anong parte ng puso ni Liam ang kumislot nang maaalala ang dalaga. Hindi niya iyon kayang pangalanan. Kahit noon pa man.
"Loka-loka ka!" Piningot niya ang ilong ni Kiesha. "Para namang hindi mo alam na magkapatid lang talaga ang turing namin sa isa't isa. At huwag na huwag mong ipaparinig iyan kay Ninong Amado. Baka masapak ako no'n. Akalain pa, pinagnanasaan ko ang kapatid ko."
"Sus. Kung ganoon naman pala na kapatid lang ang turing mo sa kaniya, bakit hanggang ngayon, hindi ka pa rin nagpapakita sa kaniya." Tiningnan siya ni Kiesha sa nanunudyong mga mata. "Siguro, hanggang ngayon, affected ka pa rin sa nangyari sa inyo noon ni Tere, 'no?"
"Of course not!" maagap na sagot ni Liam, bagaman at may bahagi ng puso niya ang kumontra. "Masiyado lang talaga akong busy sa work."
Pabiro na piningot siya ni Kiesha sa tainga. "Style mo bulok. Umiiwas ka lang talaga dahil natatakot ka sa feelings mo."
Biglang sumeryoso ang mukha ni Liam. "I'm getting married, cous. Maybe next year."
"Seryoso rin ako, Kuya." Wala ng bahid ng pagbibiro ang boses ni Kiesha. "I want the best girl for you because I love you. Simula nang mawala si Kuya Kieran, ikaw na ang parang naging kuya ko. Lalo pa't malayo rin si Kuya Dean."
Naawa si Liam nang bumalatay ang lungkot sa mukha ni Kiesha. Nakatatandang kapatid nito ang tinutukoy na tatlong taon ng patay.
Nakikisimpatiya na inakbayan ni Liam ang pinsan. "Basta lagi mong tandaan na lagi lang akong nandito para sa'yo. Kahit wala na ang Kuya Kieran mo, hindi ka nag-iisa. Okay?" Masuyong hinagkan ni Liam ang ulo ni Kiesha. "Hindi kita pababayaan..."
"Salamat, Kuya. Siyempre, alam ko iyan." Kapagkuwan ay umayos ng upo si Kiesha. "Pumunta ka nga pala sa birthday ni Lola Mildred, ha? Magtatampo iyon. Gusto nga no'n, sa Hacienda Ramona na rin kayo mag-Christmas at mag-New Year, eh."
Bigla ay bumilis ang t***k ni Liam. Kung sakali ay iyon na uli ang pinakamatagal niyang bakasyon sa Hacienda Ramona. Na dati-rati ay gustong-gusto niya dahil magkikita na naman sila ni Tere.
Handa na nga ba siyang harapin uli ang dalaga, na hindi kinakain ng hiya?
Mayamaya ay nagpaalam sandali si Kiesha nang may tumawag sa cellphone nito. At noon naman naalala ni Liam na silipin ang Instaglam account niya. Gusto niyang makita ang bagong post ni Roxie. Pero nalungkot siya nang malamang wala itong bagong litrato.
Habang nag-i-scroll ay natukso si Liam na silipin ang account ni Tere. Ayaw sana niya iyong gawin. Pero tila may sariling isip ang kaniyang daliri na basta na lang pinindot ang pangalan nito.
Pagbukas pa lang ng profile ni Tere ay nanlaki ang mga mata ni Liam nang makita ang bagong post nitong picture na ilang minuto pa lang ang dumaan. Ayon sa caption ay nasa Boracay ito. Nakatihaya ito sa beach bed at naka-two-piece bathing suit lang. Parang walang pakialam na maraming mga lalaki sa paligid ang nakatingin dito.
Nagpipiyesta ang mga mata ng mga gag* sa alindog ng kababata niya!
Parang wala sa sarili na napakuyom si Liam. Kailan pa siya natutong magsuot ng two piece? Hindi ba't kabilin-bilinan ko sa kaniya na magsuot nang matino kapag hindi ako kasama?
Nang marinig ang isinisigaw ng isip ay sinaway ni Liam ang sarili. Damn! Ano naman ngayon kung nagpapaka-sexy man ngayon si Tere?
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.