PATRIZ’s POV
Kumakain kami pero hindi ako makakain ng maayos. Hindi ko maintindihan kung bakit ako naiilang sa harapan ni Zandro. Noon naman ay okay lang na makita ko siya. Pero ngayon naiilang ako sa tingin niya.
Pwede rin nanibago lang ako, kasi si Edward lang naman ang lalaking nagbigay ng atensyon sa akin. Pero si Zandro, hindi naman kami ay maasikaso siya. Parehas niyang nilagyan ang plato namin ni Zandra ng pagkain. Pati ako ay inaasikaso niya na dapat si Zandra lang.
“Kumain kang mabuti Patriz. Wala munang diet ngayon, kailangan nating ubusin ang lahat ng ito.” Sambit niya at bahagya siyang tumawa. “Joke lang, yung kaya lang natin maubos. Pero ang baby ko tiyak na madami iyan kakainin, favorite niya ang mga ito.” Malambing niyan wika patungkol kay Zandra.
“Thank you po, kuya Zandro. Tonight is amazing. My favorite pizza and favorite people. Thank you po Ninang Patriz for saying yes to my request.” Sambit ni Zandra.
“You’re always welcome, baby. Basta kaya ni kuya at available ako, anytime. Thank you Patriz sa pagsama sa amin ni Zandra. Alam kong naabala ka namin.” Ani Zandro kaya napatingin ako dito na iniiwasan ko na magtama ang aming mga mata.
“Maliit na bagay, saka mahirap kasing hindian ang aking inaanak. Salamat din sa inyong dalawa sap ag-invite sa akin.” Nahihiya kong tugon dito.
“Sige na kumain na tayo at maglalaro pa raw si Zandra sa kidzoona.” Ani Zandro.
Dahil gabi kaya hindi naman din ako marami kung kumain. Nadadamihan nga ako sa inilagay ni Zandro na pagkain sa plato ko. Kailangan ko na lang itong ubusin.
“Ninang, kumain ka pa po.” Sabi sa akin ni Zandra na wala ng laman ang pinggan at ngayon ay nilalagyan muli ni Zandro.
“Okay na ako dito, baby.” Sagot ko naman kay Zandra at totoo naman na okay na ako sa pagkain na nasa pinggan ko.
Si Zandro rin ay sumandok muli, okay lang naman na kumain siya ng marami dahil malaking tao siya tingin ko nga hindi siya mabubusog sa kinakain namin pero kung uubusin naman niya ang lahat ay mabubusog din siya.
“Second round na kami ni Zandra. Hindi mo pa nauubos ang pagkain sa pinggan mo.” ani Zandro.
Kiming ngumiti ako sa kanya. “Madami na nga ito. Pero uubusin ko naman.” Sambit ko dito.
Natapos kaming kumain at parehas ang magkapatid na hinahaplos ang kanilang mga tiyan. Naubos nilang dalawa.
“Dapat Patriz sa susunod masabayan mo kaming dalawa ni Zandra. Sa susunod ikaw naman ang pumili ng ating kakainan para marami ka ring makain at tatlo tayong mabusog.” Ani Zandro na nangingiti pa habang haplos pa rin ang kanyang tiyan.
Paano ko ba siya sasagutin? May kasunod pa itong labas namin? Bakit? Kaya lang naman kami lumabas ngayon ay dahil sa paki-usap ni Zandra at ito ang hiningi niyang reward.
“Alam ko po kuya kung ano ang favorite food ni Ninang. Gusto niya po yung mac and cheese sa Kenny Roger’s pati yung corn muffins. Am I right po ninang?” ani Zandra.
Totoo naman na iyon ang gusto ko. Pero hindi na ako sumagot. Hanggang ngiti na lang ako dito sa magkapatid. Matatagalan pa kami yata dito dahil hindi rin pwedeng maglaro si Zandra nang busog na busog. Baka magsuka pa ito.
Mabuti at silang dalawa ang nagkukulitan. Hindi ko alam kung ano ang pwede naming pag-usapan ni Zandro. Si Zandra ang sinasagot ko kapag may sinasabi ito sa akin.
Nang okay na silang dalawa ay tumayo na kami. Naglakad lakad muna kami para mas lalong bumaba ang kinain namin lalo na silang dalawa. Nasa gitna pa rin namin si Zandra at hawak ang aming mga kamay.
Narating namin ang kidzoona para makapaglaro si Zandra. May mga bata na may kasamang yaya o kaya ay parent nila. Nagsabi ako sa kanila na dito na lang ako. Sabi naman ni Zandra ay 30 minutes lang siya para hindi raw kami gabihin. Sinabihan din kasi siya ni Zandro na nakakahiya daw sa akin. Kaya sumagot si Zandra ng ganoon. Sa akin naman ay okay lang kahit 1 hour. Wala pa naman din sa bahay si Perla. Ayaw kong mag-isa sa bahay kaya mas okay na akong nandito kami ngayon.
Nagulat ako ng may magsalita sa aking tabi.
“May upuan doon, baka gusto mong maupo?” ani Zandro na hindi ko napansin na lumabas pala. Ang nasa isip ko ay sasamahan niya ang kapatid niya.
“Okay lang ako dito. Walang kasama si Zandra.” Nag-aalalang sambit ko dito.
“Kaya na raw niya. Siya nga nagpalabas sa akin para may kasama ka raw dito. Alam mo naman ang kapatid ko, hindi mo maintindihan parang matanda na nasa batang katawan lang. Ikaw ang inaalala niya na walang kasama dito. May tama naman siya, isinama ka namin pagkatapos ay ma out of place ka.” Turan nito sa akin.
“Naku hindi naman. Dapat may kasama sa loob si Zandra.” Pagpupumilit ko dito. Ano naman kasi ang gagawin niya dito? Nahihiya nga ako sa kanya. Para akong kinakabahan kapag tinitingnan niya ako at lalo na kapag kinakausap at ngayon kaunti na lang ay magkalapit ang aming mga braso. Mabuti parehas kaming nakatingin sa loob ng palaruan. Hindi nito makikita na naiilang ako sa kanya.
“May kausap na agad ang kapatid ko. Mabilis siyang makakuha ng kaibigan kaya mas gusto niya na mag-isa siya.” Sagot nito sa akin at kumaway pa. Kumakaway si Zandra at itinuturo ang batang kausap nito.
Tama naman ang sinabi niya kaya hindi na ako nagsalita na dapat may kasama si Zandra sa loob. Nag-eenjoy nga siya kasama ang bata kanina at ngayon ay nadagdagan pa.
Mabait kasi si Zandra at lahat ay kinakausap. Makikita sa kanya na enjoy na enjoy ito.
“Patriz, wala bang maghihintay sa iyo? Baka hinahanap ka na ng boyfriend mo?” tanong nito sa akin.
Napatingin ako dito pero ang kanyang paningin ay na kay Zandra. Oo nga pala kasama ko noon si Edward sa bahay nila, binyag ni Zandra noon at first birthday.
“Break na kami.” Tipid kong sagot dito.
“Talaga?” parang hindi naman makapaniwalang tanong niya sa akin. “So single ka na?”
“Oo, wala na kami. At masaya ako na nakalaya na ako sa relasyon namin. Hindi ko alam kung kailan pa niya ako niloloko. Pero mabuti na rin na natuklasan ko bago pa mahuli ang lahat.” Hindi na ako nahiyang sabihin ito. Hindi ko naman nakikita ang mukha niya. Para lang akong nangungumpisal dito.
Hindi naman ito sumagot dahil lumabas na si Zandra. Nilapitan na kami nito at dahil pawis na pawis ito ay kinuha ko ang tissue sa aking bag at pinunasan ko ito. Nagyaya na rin si Zandra na umuwi. Mukhang antok na ito. Busog plus pagod kaya antok na siya.
Binuhat na ni Zandro ang kanyang kapatid. “Let’s go Patriz.” Sambit nito sa akin at wala sa isip nito na hinawakan ako sa aking palapulsohan para igiya palabas ng mall. Kung may makakakita sa amin ay baka isipin na may relasyon kami.
Hindi ko naman mahila ang braso ko na hawak niya. Hindi naman ako sa kamay hawak pero iba pa rin ang dating ng palad nito sa balat ko.
Binitawan lang ako nito pagdating namin sa parking. Una nitong isinakay ang kapatid niya at saka ako naman ang pinagbuksan niya at pinaupo sa unahan. Ikinabit niyang muli ang seatbelt at halos magdikit na naman ang aming mga mukha.
Saka palang siya sumakay.
Tahimik lang kami habang si Zandra ay natulog na sa kanyang upo. Inihatid nila ako sa bahay. May ilaw na kaya siguradong nasa bahay na ang aking kapatid.
Nagulat ako dahil ang bilis ni Zandro napagbuksan na niya agad ako ng pinto. At inalis din niya ang seatbelt. Inalalayan pa niya ang ulo ko pagbaba ng kotse.
“Salamat Zandro sa paghatid sa akin. Nakatulog na si Zandra. Pakisabi na lang sa kanya na salamat din.” Sambit ko dito.
“Kami ang dapat na magpasalamat sa iyo dahil sa oras na ibinigay mo sa amin. Sana hindi ka magsawa na sumama sa amin. Sana available ka uli sa susunod.” Ani Zandro.
Hindi ko na sinagot ang sinabi niya tungkol sa susunod na lakad.
“Sige, mag-ingat kayo ni Zandra.” Iyon na lang ang sinabi ko sa kanya. Hinihintay ko itong pumasok sa kanyang sasakyan pero hindi pa ito umaalis.
“Pumasok ka muna sa loob ninyo bago kami umalis.” Wika nito. Sumunod na lang ako dahil parang ito ang hinihintay niya ang pumasok ako sa loob.
Nang nasa loob na ako ng maliit naming gate ay kumaway na ako dito. Saka lang siya sumakay sa kotse niya at kumaway pa itong muli bago umalis.
Mabait pala si Zandro. Kapag kasi ikinukwento ito ni Mareng Sonia ay laging nakadikit ang pangalan ng girlfriend nito na ayaw na ayaw ni Zandra.
Wala na sila sa aking paningin kaya pumasok na rin ako sa loob.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.