©️All Rights Reserved 2023
NAPABILING ang ulo ni Father Fair nang maramdaman ang mainit na palad na humahaplos sa dibdib niya pababa sa kaniyang katawan at napasinghap pa siya nang maramdamang humantong iyon sa kaniyang p*********i.
Hindi niya magawang imulat ang mga mata dahil sa namimigat na talukap, antok na antok siya, 'ni hindi niya maigalaw ang kaniyang katawan. Wala siyang nagawa kun'di ang makiramdam hanggang sa huminto ang palad sa ginagawa sa kaniyang katawan.
Sa wakas ay nagawa niyang igalaw ang daliri niya sa paa kasunod ang pagbukas ng kaniyang mga mata. Ang kisame ang sumalubong sa paningin niya.
'Isa ba 'yung panaginip?' tanong niya sa isip.
Pinakiramdaman niya ang sarili habang iginagala ang paningin sa paligid.
Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa lampshade ay nakita niyang wala namang tao roon, subalit kaagad na natuon ang mga mata niya sa pintuan patungo sa balkonahe. Inililipay ng hangin ang kurtinang nakatabing doon. Hindi siya maaaring magkamali, isinarado niya ang pintuan bago matulog.
Bumangon siya at umibis sa kama, maingat siyang humakbang palapit doon habang alisto ang mga mata.
Agaran niyang hinawi ang kurtina. Sumalubong sa kaniya ang malamig na hangin na nagmumula sa puno ng mangga na nasa gilid ng balkonahe. Tahimik ang gabi at tanging panggabing insekto ang naririnig niya sa paligid.
Humakbang siya palabas at lumapit sa pasimano ng balkonahe. Dumungaw siya sa ibaba at sa tulong ng liwanag ng ilaw sa poste ay wala siyang nakitang tao roon.
Tumingin siya sa pinto ng silid ni Father David na kanugnog din ng balcony. Lumapit siya roon at tinangkang pihitin ang seradura pero naka-lock iyon.
Pumihit siya pabalik sa silid niya nang matigilan dahil sa may kung anong natapakan. Kaagad siyang tumunghay at dinampot ang bagay sa kaniyang paanan. Dahon iyon ng mangga, sariwa pa dahil nalalanghap niya ang amoy niyon.
Tiningnan niya ang nakalungyong sanga ng mangga habang lumalakad pabalik sa kaniyang silid.
Nang makapasok ay ini-lock niya ang pintuan at malalaki ang mga hakbang na tinungo ang comfort room. Maingat niyang binuksan ang pintuan hanggang sa mahantad sa paningin ang loob ng comfort room, walang tao roon.
Pumihit siya at tinungo ang mayor na pintuan. Sandali siyang natigilan nang makitang naka-lock iyon.
Pinihit niya ang seradura at bumasag sa katahimikan ng gabi ang ragitnit ng dahon ng pintuan nang kabigin niya iyon pabukas.
Nilingon niya ang magkabilang dulo ng hallway, makulimlim ang liwanag doon, tahimik na tahimik.
Akmang hahakbang siya nang maulinigan ang mahinang mga pag-ungol, nagmumula iyon sa silid ni Father David.
Mabilis niyang kinuha ang pin na nakasiksik sa gayaran ng kaniyang t-shirt at iyon ang ginamit upang buksan ang seradura, at nagtagumpay siya.
Mabilis niyang binuksan ang dahon ng pintuan at ang nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa kaniya, wala na ang mga pag-ungol subalit nakita niyang tila nangingisay si Father David sa ibabaw ng kama nito.
"Father!" Mabilis siyang nakalapit dito. "Father David, gumising ka." Niyuyugyog niya ang balikat nito.
Nagising ito, humihingal nang imulat ang mga mata at bahagya pang nagulat nang makita siya.
"Father?" tila paniniyak pa nito bago bumangon, sapo ang leeg. "Maaari bang pakiabot ng tubig ko?" Itinuro nito ang kalahating basong tubig sa bedside table.
Pumihit siya roon at dinampot iyon pero saglit na natigilan nang makita ang bote ng sleeping pills sa tabi niyon.
"S-salamat, Father Fair," hinihingal nitong wika at agad na kinuha ang baso sa kamay niya, tinungga at sinaid ang laman niyon.
Kinuha niya ang baso at ibinalik sa kinalalagyan kanina.
"Narinig ko pong umuungol ka, kaya naman sinikap kong makapasok," paliwanag niya.
Napabuntong-hininga ito. "Isa na namang masamang panaginip," tila wala sa sariling wika nito habang minamasahe ang sariling leeg. "Pero parang totoo."
"May edad ka na, Father, siguro po sa tingin ko hindi na maganda sa iyo ang pag-inom ng sleeping pills," sabi niya habang pasimpleng iginagala ang paningin.
Napansin niya ang pag-angat ng kurtinang puti sa salaming pinto patungo sa balkonahe, malaya iyong inililipay ng hangin.
Napakunot ang noo niya. Hindi siya maaaring magkamali, sarado at naka-lock ang pintuang iyon kanina nang subukan niyang buksan habang nasa balkonahe siya.
Humakbang siya palapit doon habang halos hindi ikurap ang mga mata.
"Kailangan ko ang sleeping pills, nakakatulong iyon para makatulog ako," narinig niyang sabi ni Father David na noon ay nakasunod ng tingin sa kaniya.
Hindi niya ito pinansin bagkus ay mabilis na hinawi ang kurtina. Kinabahan siya, mas binalot ng pagdududa at pangamba nang makitang bukas na bukas ang pintuan.
"Nakalimutan ko sigurong isarado iyan bago ako matulog," sabi ni Father David habang umuusod upang maupo sa gilid ng kama.
Hindi pa rin niya ito pinansin bagkus ay maingat na humakbang palabas. Malikot ang mga mata niya sa paligid.
Tiningnan niya ang direksyon patungo sa kaniyang silid, dumungaw sa ibaba at gaya kanina ay wala siyang nakitang tao roon.
Bumalik siya sa silid ni Father David. "Father, palagi mong titiyakin na nakasarado ang mga pintuan ng iyong silid," paalala niya habang inilalapat ang dahon ng pintuan na agad din niyang inihinto dahil sa tahul ng mga aso buhat sa hindi kalayuan, palayo iyon nang palayo.
'May hindi tama,' sa isip niya habang napapatiim-bagang.
"Palagi ko namang isinasarado ang mga pinto, ito pa lang talaga ang unang pagkakataon na nakalimutan kong isarado ang pintong iyan," narinig niyang wika ni Father David.
Inilapat niya nang tuluyan ang pintuan at ini-lock. Nilingon muna niya ang matandang pari bago lumakad palapit dito.
"Father David, dapat na sigurong ipaputol ang sanga ng punong mangga na nakalungyo sa pasimano ng balkonahe," aniya habang nauupo sa tabi nito.
"Naisip ko na nga rin iyan, hayaan mo at kakausap ako ng p'wedeng pumutol niyan."
Tumango siya. "Father, palagi ka pong mag-iingat," bilin niya rito.
Sandali itong natahimik at napatitig sa kaniya. Alam nito ang ibig niyang sabihin.
"Hindi lang ako ang dapat mag-ingat, Father Fair," kapagkuwa'y turan nito. "Ikaw rin."
•••
NAGULANTANG at nagkagulo ang mga tao sa bayan ng Del Recuerdo nang lumatag ang liwanag at makita ang mga nakahandusay na aso kung saan-saan. Patay na ang iba sa mga iyon habang ang ilan ay nangingisay pa.
Si Father Fair na hindi pa nakakalayo sa simbahan ay nakipagsiksikan sa mga tao upang makiusyuso.
Napaawang ang bibig niya nang makita ang mga inipong aso sa gitna ng kalsada.
"Grabe, walang awa ang gumawa nito," narinig niyang sabi ng isa sa mga lalaking naroon, nanlulumo sa galit.
"Father," tawag sa kaniya ng katabi niyang lalaki.
"Ano'ng nangyari?" tanong niya rito.
"Sa tingin po namin ay nilason ang mga aso gamit ang lamit," wika nito.
"Ano'ng lamit?"
"Isa po iyong lamang-dagat, Father, kauri po ng sea cucumber. Kulay lumot po iyon at hindi madaling makita, kapag napadikit sa iyo masusunog at masusugat ang balat mo, kaya kung makain mo ito, maluluto ang lamang loob mo sa loob lang ng ilang minuto."
Napalunok siya. Nakapanghihilakbot kung iisipin ang sinabi nito.
"May suspect na ba kung sinong gumawa?" tanong pa niya habang hindi mapakali ang mga mata sa paligid.
Sinulyapan nito ang mga tao habang lumalapit sa kaniya ng mas malapit.
"Nauna na pong ipinatupad ni Kapitan Garry na itali ang mga asong-gala, kaya po iniisip nila na baka may kinalaman si Kapitan sa nangyaring ito," pabulong na sabi nito upang matiyak na walang ibang makakarinig.
Hindi siya nagsalita bagama't nakatuon ang tingin sa mga aso.
"Ang akala ko ba naman, mga asong-gala lang ang ipinagbabawal ni Kapitan, bakit pati naman 'yung aso namin na maayos na nakakulong ay ipinalason din," narinig nilang hinaing na isa sa mga ginang na naroon.
"Teka lang," sabad naman ni Joenard, isa sa mga sakristan ng simbahan. "Baka naman hindi tayo sigurado sa mga sinasabi natin. Napansin n'yo ba na ang mga aso lang malapit sa lokasyon ng simbahan ang nilason?"
Napatitig siya kay Joenard habang natamimi naman ang mga nasa paligid, napaisip, naghinala, nabahala at halos sabay-sabay na tumingin sa kinatatayuan niya.
Kinilabutan siya sa mga bagay na nabasa buhat sa mata ng mga tao na nakatitig sa kaniya. Naroon ang pagkabahala at pagbibigay ng babala.
Ingay ng paparating na police mobile ang umagaw sa atensyon ng mga ito sa kaniya.
"Mag-iingat ka po palagi, Father Fair," wika ng lalaki sa tabi niya.
Hindi siya nagsalita.
Nahawi ang umpukan ng mga tao nang dumating at humimpil ang police mobile, bumaba roon ang tatlong pulis kasama si Kapitan Garry.
Kumilos siya at lumakad palayo sa nagkakagulong mga tao upang bumalik sa simbahan.
Habang naglalakad ay hinahatak niya ang kuwelyo ng suot na priest polo upang mas makahinga. Nagsaltik ang mga bagang niya.
Hindi ito isang palaisipan para sa kaniya, sa katunayan ay nakahanda siya sapagkat kinutuban siya ng hindi maganda.
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.