Romans 2: 12 (ESV)
"For all who have sinned without the law will also perish without the law, and all who have sinned under the law will be judged by the law."
***
Nang binomba ng mga Hapon ang Pearl Harbor sa Hawaii, doon nagsimula ang hudyat ng ikalawang digmaang pandaigdig. Hindi lamang ang America o China ang nasangkot sa nakakakilabot na labanan, dahil nasama rin sa kaguluhan ang Pilipinas.
Dalawangput limang twin engine planes ang naghulog ng bomba sa bayan ng Tuguegarao at Baguio. Anupa't ang dalawang lungsod ay nalunod sa luha, takot at kamatayan.
Subalit hindi maikukumpara ang impyernong natikman sa sentrong lungsod ng Pilipinas. Ika-dalawa ng Enero, sinugod ng mga hapon ang Manila. Winasak ng mga ito ang mga imprakstura, kabilang na ang mga paaralan, simbahan at mga arkitekturang minana pa ng mga Pilipino sa kastila.
Natatandaan pa ni Micah kung gaano ka-brutal ang mga ginawa ng mga ito sa mga sibilyang Pilipino.
Inihagis nila sa hangin ang mga sanggol na Pilipino at ibinaon sa kanilang bayoneta. Mga pugot na ulong nagkalat sa aspaltong lupa, mga katawan ng babaeng nakahandusay at wala na ring mga buhay, umiiyak na mga bata sa gitna ng mga katawan ng kanilang mga pamilya...
Parang nakikita pa ni Micah ang imahe na iyon sa kaniyang isip...
Ang mga Imperial Japanese ay puro mga sadista. Hindi lang nila pinapatay ang mga sibilyan kundi pinapahirapan pa nila ito. Isa sa mga paraan nila ay ang pagtuhog sa pigi ng tao gamit ang dulo ng kawayan---- animo'y mga karneng iniihaw. Pagkatapos, itinutusok nila iyon sa lupa habang ang kaawa-awang katawaan ay nagpapadausdos pababa. At ang biktima ay mamamatay nang paunti-unti sa napakasakit at napakabagal na proseso.
Marahil kapag walang Diyos o kapag iba ang iyong Diyos - mawawalan ka talaga ng moralidad.
Nagawa niyang sagipin ang isang batang babae noon, subalit nakita niyon ang pagpatay sa sariling ina. Hindi niya nagawang sagipin ang bata sa trauma. Sa pagkakatanda niya'y Lucita ang pangalan ng batang babae at kasalukuyang ligtas ito sa piling ng mga lolo at lola.
Napabuntong-hininga siya habang isinusulat ang mga pangyayaring naganap sa pahina ng kaniyang talaarawan. Natigilan siya sa pagtala ng mga pangyayari at nakaramdam ng matinding kirot sa dibdib.
Narito siya ngayon sa silid pahingahan at nagmumuni-muni. Nagtiis na lamang siya sa dilim ng gabi at ang tanging nagbibigay liwanag sa kaniya ay ang kandilang malapit nang maubos. Ang mga kasamahang sundalo ay mahimbing na natutulog sa double-deck na nasa kaniyang likod.
Siya ang nakatalaga ngayon sa pagbabantay sa mga ito. Upang kung mayroon man mabangungot ay magigising niya. O kung mayroon pang masamang mangyayari, madali niyang maaalerto ang mga kasama.
Ngunit kapag ganito na siya'y mag-isa, hindi niya maiwasan ang maalala ang malalagim na nakaraan. Nasa digmaan sila ngayon, walang magagawa ang pag-iyak o pagmukmok. Lalo pa't pakiramdam nilang lahat, sila na lamang ang natitirang pag-asa ng bansa.
Sumuko na ang mga Amerikano at Pilipinong sundalo sa Bataan.
Nasakop na ang Cebu.
Nasakop na rin ang Panay.
At noong nakaraang taon lamang, mula sa radio broadcast, sinabi ni Gen. Wainwright na sumuko na rin ito. At pagkatapos, nag-anunsyo rin si Gen. Sharp na isinusuko na rin nito ang Visaya at Mindanao.
Napapukpok ang kamay niya sa mesa dahil sa pagkainis.
"Hindi kasi sila mga Pilipino kaya ang dali nilang isuko ang Pilipinas!" pagrereklamo niya.
Napalingon siya nang may umungol at bumalikwas ng higa sa likod. Nag-alala siya na baka sa lakas ng boses niya ay magising ang isa sa mga katrabaho. Ngunit mukha namang wala siyang naistorbong natutulog.
Lumungkot ang kislap ng mga mata niya nang titigan ang mga kasamahang sundalo. Karamihan sa mga ito ay mga bata pa, ang pinakamatanda sa kanila ay nasa labing-siyam na taong gulang at ang pinakabata naman ay labing-anim. Kahit ang mga kabataan ay isinusugal ang kanilang mga buhay para sa Pilipinas.
Dito sa loob ng underground safe-house ay ligtas sila at nakakatulog sila rito nang mahimbing, subalit hindi sila maaaring manatili rito nang matagal.
Isa pa, madadamay ang pamilyang nagbigay sa kanila ng matataguang bahay kung hindi sila mag-iingat. At upang hindi madaling matunton ng mga kalaban, kailangan nilang magpalipat-lipat ng lokasyon.
Napasapo siya sa noo dahil sa pamomoblema.
Naalala niya rin ang kaniyang kapatid na kasalukuyang nasa pinakamalapit na hotel. Nagsisilbing "comfort woman" ito ng mga hapon at tumatayo ring espiya at informant ng mga guerilla. Subalit ang kaniyang ina naman ay nasa Intramuros at lihim ding miyembro ng Hukbalahap.
Malayo sa kaniya ang mga kapamilya, narito siya ngayon sa Antipolo at kasapi naman ng mga Hunters. Nilihim lang niya ang tunay na pagkatao, edad at kasarian dahil gusto niyang makasali sa Hunters ROTC. Isa lamang ito sa 277 guerilla groups na nabuo sa bansa.
Ang Hunters ROTC ay nabuo nang mabuwag ang Philippines Military Academy at hindi sumang-ayon ang tatlong cadets na umuwi na lamang at walang gawin. Ngunit dahil mga bata pa kaya hindi sila pinayagan na sumali sa USSAFE.
Si Miguel Z. Ver ang unang namuno sa pangkat at ito rin ang nag-recruit ng iba't ibang indibidwal na nais makiisa sa Philippine's Resistance Movement. Kabilang sa mga na-recruit ay mga normal na sibilyan ng bayan at mga mag-aaral sa kolehiyo.
Kaya nagkaroon ng pagkakataon si Micah na makapasok sa guerilla. Subalit, may nagbalita sa kaniya na inilalagay lang daw ang mga babae sa medical assistance ng mga sundalo bilang mga nars. Ayaw niya niyon. Gusto niyang makipaglaban kaya nagpanggap siyang lalaki.
Iyon nga lamang, mukhang mali rin ang naging desisyon niya. Ano ang gagawin niya kapag nabuking siya rito?
Mabuti na lamang at mabilisan ang pag-recruit at nakapasa naman siya sa mabilisan ding training. At kahit sa simula, wala namang nakapansin na hindi siya lalaki. Marahil, dahil sa kilos din niyang parang tomboy.
Kayumanggi rin ang kaniyang kutis at mapagkakamalan talaga siyang lalaki sa unang tingin. Sa boses naman ay parang siga rin siya kung magsalita.
Magmumukha lamang siyang babae kung magiging mahaba ang kaniyang buhok. Nagpakalbo siya bago sumali sa recruitment. At palagi rin siyang nakasuot ng cap o scarf sa ulo. Paminsan-minsan din ay nagsusuot siya ng protective mask para hindi mahalata ng mga ito ang kaniyang itsura.
Nahirapan lamang siya na itago ang dibdib, kaya nagsusuot siya lagi ng makakapal na damit. Tinitiis na lamang niya ang init.
Napahimas siya sa kaniyang ulo. Noong Enero lamang siya nagpakalbo subalit ilang buwan lamang, umabot na ang buhok niya sa batok. Kailangan na niyang mag-ipit ng buhok kundi baka mahalata ng mga ito na babae nga siya.
Naudlot ang pagmumuni-muni ni Micah nang may kumatok sa pinto. Inayos niya agad ang sarili, naglagay siya ng bandana sa ulo, isinuot ang makapal na damit bago binuksan ang kumakatok.
Ang bumungad sa kaniya ay ang mukha ni sergeant Theodore, ang pinuno ng kanilang grupo. Kadalasan ang mga namumuno sa maliit na military unit ay ang mga non-commission officer katulad nito. Subalit iba ang grupo ng mga guerilla at hindi naman kailangang maging kasing pormal ng militar.
Masasabi ni Micah na mga baguhan lamang sila at wala pang karanasan sa larangan ng digmaan.
Wala naman itong sinabi bukod sa, "Gisingin mo na sila," walang-sigla ito kung magsalita. Pagkatapos, umalis na agad ito na hindi man lamang nagpaliwanag kung bakit kailangan niyang gisingin ang mga kasama.
Wala sila ngayon sa Basic Training Camp upang gumising nang maaga at sigawan pa ng mga opisyales para bumangon. Nagtaka siya sa inasal nito.
"Anong mayroon?" Kunot-noo niyang tanong sa isip at sinundan iyon ng tingin.
***
Waiting for the first comment……
Please log in to leave a comment.